Phivolcs

Vog ng Taal malinis na–Phivolcs

September 23, 2023 Zaida I. Delos Reyes 212 views

MALINIS na sa volcanic smog o vog ang Taal volcano nitong Sabado ng umaga, subalit nananatili ang banta ng posibleng pagkaulit nito.

Ito ang Inihayag ni Philippine Institute of Volcanology (Phivolcs) director Dr. Teresito Bacolcol

“‘Yung nangyari nu’ng September 21 hanggang kahapon na halos zero visibility na ang Taal Volcano, ngayon, nagki-clear na po, nakikita na ang Taal Volcano. ‘Yung vog na nag-envelope sa caldera ay nawala na po this morning,” pahayag ni Bacolcol.

Paliwanag ng opisyal, posibleng maulit ang makapal na usok na bumabalot sa maraming lugar sa Cavite at Batangas dahil sa patuloy na pagbubuga ng bulkang Taal ng sulfur dioxide.

Sa tala ng Phivolcs, mula 5:00 a.m. nitong Biyernes hanggang 5:00 a.m. nitong Sabado umabot sa 2,730 tonelada ng sulfur dioxide ang ibinuga ng bulkan.

Mas mababa ito sa naitala noong Huwebes na umabot sa 4,569 tonelada.

Hindi naman aniya ito nangangahulugan na magkakaroon agad ng pagsabog ang bulkan.

Malaki din aniya ang maitutulong ng ulan sa pag-flush out ng vog.

“In a way, makakatulong ang mga pag-ulan dahil madaling ma-dissolve ang sulfur dioxide sa tubig. Pwedeng ma-flush out ang vog kapag malakas ang pag-ulan,” dagdag ni Bacolcol.