Yul Servo Nieto Tinanggap ni Home for the Angels Administrator Myrna Veracio ang donasyong salapi mula sa mga beauty queen ng Vietnam at Pilipinas habang nasa larawan din sina Cong. Irwin Tieng at may-bahay na si Ladylyn Riva-Tieng at Manila Vice Mayor Yul Servo Nieto. Kuha ni JR Reyes

VM Yul Servo, kumatawan kay Mayor Honey sa donasyong ibinahagi ng mga beauty queen

October 4, 2022 Edd Reyes 528 views

SINAKSIHAN ni Manila Vice Mayor Yul Servo Nieto ang isinagawang pagkakawanggawa ng Queen Sisters from Vietnam and Philippines nang bisitahin nila ang Home for the Angels Child Caring Foundation upang magkaloob ng donasyon, Martes ng tanghali sa San Andres, Maynila.

Labis ang pasasalamat ni Vice Mayor Yul Servo na siyang kumatawan kay Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan, sa Queen Sisters sa pagkakaloob nila ng donasyong P250,000 cash sa naturang organisasyon na nagkakaloob ng tahanan at pagkalinga sa mga inabandona, pinabayaan at inabusong mga sangol mula pa nang ipanganak hanggang maging tatlong taong gulang.

Ang naturang kaganapan, na binansagang “Xin Chao Manila”, ay proyektong kapatirang pagkababaihan ng Queen Sisters from Vietnam and Philippines, sa pakikipagtulungan ng Miss Universe Vietnam Organization at Miss Supranational Vietnam na inorganisa ng grupong “We Will Because We Can Movement” na layong pag-ibayuhin ang pagkakaibigan ng mga lumalahok sa timpalak pangkagandahan ng dalawang bansa.

Napagtagumpayan ang naturang kaganapan sa pakikipagtulungan nina Manila 5th District Congressman Irwin Tieng at ng kanyang may-bahay na si Ladylyn Riva-Tieng na isa ring dating beauty queen sa kanyang kapanahunan.

Personal namang iniabot nina dating Miss Universe 2021 Top 16 Nguyễn Huỳnh Kim Duyên, at kasalukuyang Miss Supranational 2022 2nd Runner-Up, at Miss Universe 2018 Top 5 Nuê H’Hen kina Home for the Angels Administrator Myrna Verecio at Auditor na si Imelda Sarile ang donasyong salapi na nakalaan bilang tulong sa kanilang pagpapatakbo ng tahanan ng mga sanggol na inabandona.

Dumating din upang saksihan ang kaganapan sina international designer Cory Tran at producer na si Tuyết Lê.

Matapos ang mahigit dalawang oras na aktibidad, nagtungo naman ang mga beauty queen ng bansang Vietnam sa makasaysayang “Walled City of Intramuros” bilang bahagi ng kanilang paglilibot sa Maynila.

AUTHOR PROFILE