Lacuna Pinangunahan ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang isang ribbon-cutting ceremony sa relaunching ng ‘Balitaan sa Tinapayan’ Media Forum sa Tinapayan Festival Bakeshoppe sa Sampaloc, Maynila kasama rin si Vice Mayor Yul Servo Nieto. Kuha ni Jon-jon Reyes

VM Yul Servo, dumalo sa pagbabalik ng ‘Balitaan sa Tinapayan’

January 27, 2023 Edd Reyes 591 views

Servo

Hinimok mga trike driver na maging ‘legal’

HINIMOK ni Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto ang mga tricycle driver na naghahanap-buhay sa pamamasada sa Maynila na ayusin na ang kanilang mga dokumento para sa pagkuha ng prangkisa ng ipinapasada nilang sasakyan.

Sa kanyang pagdalo Biyernes ng umaga sa panibagong paglulunsad ng “Balitaan sa Tinapayan” na ginanap sa Tinapayan Festival Bakeshoppe sa kanto ng Dapitan at Don Quijote Streets, Sampaloc, sinabi ni Vice Mayor Yul Servo na hihilingin niya kay Mayor Honey Lacuna-Pangan na bigyan pa ng palugit ang mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) para ayusin ang kanilang dokumento upang makakuha ng prangkisa, pati na rin maging ang kanilang lisensiya sa pagmamaneho.

Aminado ang bise alkalde na maraming “pasaway” na tricycle driver sa lansangan na hindi sumusunod sa batas trapiko para lamang mapabilis ang paghahatid nila ng pasahero.

“Kasi kapag ako nag-iikot ng Maynila, napupuna ko yung mga tricycle natin minsan walang plaka, red ang traffic light, go pa rin sa kanila, no left turn, kakaliwa pa rin at karamihan sa kanila, mga wala pang lisensiya,” pahayag ng bise alkalde.

Dahil dito’y nanawagan si Vice Mayor Yul Servo sa mga tricycle driver na ayusin na ang mga kinakailangang dokumento dahil ito naman ang kanilang pinagkakakitaan para sa ikabubuhay ng kanilang pamilya.

“Kapag pinagkakakitaan mo, dapat pangalagaan mo at me lisensiya ka. Kaso yung ibang kababayan natin ayaw ng dumaan sa tama at mahabang proseso, minsan shino-shortcut, mas gustong pumatol sa bogus license, lalo na ngayon, bago ka mabigyan ng lisensiya mag-aaral ka muna,” sabi pa ng bise alkalde.

“Kaya mga kababayan, mga batang Maynila, huwag na kayong pasaway. Kung kailangan ninyong kumuha ng lisensiya, kumuha na kayo, kung kailangan ninyong magparehistro ng inyong tricycle, iparehistro niyo para hindi kayo nagagambala kasi isang araw lang na hindi kayo makapagtrabaho, ang laking perwisyo na sa inyo yun,” panawagan pa niya.

Gayunman nilinaw ng bise alkalde na may ilang mga tricycle drivers na napagtatapos pa nila ng pag-aaral ang kanilang mga anak na kalaunan ay nagiging matagumpay na doktor o arkitekto habang ang iba naman ay minamana lang ng kanilang mga anak ang kanilang trabaho.

“Yung mga kababayan natin na nasa ganoong sitwasyon, dapat i-improve din natin ang pamilya natin para sa atin ding mga anak. Kasi meron naman tayong libreng eskuwelahan, meron tayong Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) meron tayong Universidad De Manila (UDM), me 100-plus tayong paaralan para sa elementarya at high school,” dugtong pa ng bise alkalde.

Nauna rito’y dumaan muna sa muling paglulunsad ng “Balitaan sa Tinapayan” si Mayor Honey Lacuna-Pangan upang dumalo sa pagbabasbas at pangunahan ang ribbon-cutting ceremony bago nagtungo sa kanyang naunang pinangakuang kaganapan.

AUTHOR PROFILE