Risa Sen. Risa Hontiveros

VLOGGER MAY ‘PASABOG’ VS APOLLO?

February 24, 2024 PS Jun M. Sarmiento 91 views

ISANG vlogger na diumano’y naging biktima ng leader at founder ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Apollo Carreon Quiboloy ay naglahad sa kanyang vlog ng mga posibilidad na kaganapan sa mga darating araw sakaling mag-isyu na ng warrant of arrest laban sa lider ng KOJC.

Samantala, kumpiyansa si Sen. Risa Hontiveros na mananaig ang katotohanan sa Senate committee hearing na nakatuon in aid of legislation sa mga alegasyon laban kay Quiboloy.

Pormal na inihain at tinanggap ng abogado ni Quiboloy ang subpoena na ipinadala ng Senate Committee on Women and Children na nakatakda sa March 5, 2024 kung saan ay iginiit na dapat dumalo si Quiboloy upang personal na harapin at sagutin ang komite sa kanilang mga tanong.

Nilinaw ni Hontiveros na hindi kailanman pwedeng gamitin ninuman ang pagiging pastor o pinuno ng anumang relihiyon at hindi umano pwedeng tanggapin ng Senado ang bagay na ito para magkaroon ng immunity ang nasasakdal.

Iginiit din ng senadora na kahit ang kataas-taasang Korte Suprema ay walang karapatan upang ipahinto ang kanilang imbestigasyon na isinasagawa sa kasalukuyan.

“Obligado po siyang sundin ang itinatakda na batas. Sa tingin ko naman ay naiintindihan ito ni Pastor Quiboloy at naniniwala naman ako na posibleng iharap niya ang sarili niya sa darating na pagdinig,” ani Hontiveros.

Dinagdag pa ni Hontiveros na ito ang paraan upang ipakita ang kanilang respeto sa karapatan pantao ni Quiboloy dahil sa bibigyan ang pastor ng lahat ng kaniyang constitutional rights bilang isang ordinaryong witness na mag invoke ng kanyang karapatan o tinatawag din na “right against self-incrimination.”

Ang mga testigo na nauna ng lumantad ay sina Alias Amanda, Alias Jerome, Alias Ms. Arlene Stone, Alias Iona, Alias David, Alias Jackson at si Alias Rene, at tatlo pang nagsabing sila ay mga Ukranian na diumanoy nabiktima din umano ni Quiboloy.

Bukod pa kay Quiboloy, ay nakatakdang rin humarap ang ibang liders ng KOJC.

“Marami po tayong gustong marinig mismo kay Pastor Quiboloy na paglilinaw sa mga ibinabato na mga akusasyon laban sa kanya. At mahalaga po na mapakinggan natin kung ano ang katotohanan mismo sa bibig ng leader ng KOJC dahil ito po ay kasama sa kanyang constitutional rights na ating nirerespeto,”paglilinaw ni Hontiveros.

Matatandaan na nag file si Hontiveros nuong nakaraang December 11, 2023 ng Senate Resolution no. 884, na siyang nagbigay direktiba sa nasabing komite na mag-imbestiga sa mga alegasyon laban kay Quiboloy.

Nauna pa rito ay tumanggi na si Quiboloy na humarap sa pagdinig ng komite ni Hontiveros dahil sa paniniwalang ito ay hindi patas at tinawag niya rin ang pagdinig bilang isang kangaroo court na walang respeto sa kaniyang constitutional rights bilang isang malayang Pilipino.

Hinamon naman ng kanyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio na dalhin na lamang sa tamang korte ang mga usapin na ito at mag file umano ang mga sinasabing biktima sa tulong ni Hontiveros ng tamang kaso sa tamang korte kung saan ay sasagutin umano nila ito ng punto per punto.