Camille Villar

Villar inilatag insentibo sa COVID vaccine

May 28, 2021 Ryan Ponce Pacpaco 144 views

BAGONG bahay at lupa, motorsiklo at groceries puwedeng mapanalunan ng bakunadong mga residente ng Las Pinas

ISINULONG ni Deputy Speaker at Las Piñas City Rep. Camille Villar ang programang “May Bahay sa Bakuna: Bakunado Ka Na, May Bahay ka Pa!” upang magbigay ng bagong bahay at lupa, motorsiklo at groceries sa mga residente ng lungsod na magpapabakuna ng coronavirus disease-19 (COVID-19).

Sinabi ni Villar na dapat sumailalim sa ligtas at epektibong COVID-19 vaccine ang mga Pilipino upang malapakas ang proteksiyon laban sa pandemya at makabangon ang ekonomiya ng bansa.

“We want to reinforce the importance of getting vaccinated for people, their families, and the community. It will not only protect people but help our economy slowly recover,” ani Villar, na muling iginiit na tama ang mga eksperto sa kalusugan na ligtas at malaki ang magagawa ng bakuna para matapos ang pandemya.

Magsisimula ang programang “May Bahay sa Bakuna: Bakunado Ka Na, May Bahay ka Pa!” sa Hunyo 15, 2021 hanggang Disyembre 23, 2021 at bukas sa lahat ng mga residente ng Las Piñas City na nakatanggap ng unang dose ng kahit anong brand ng bakuna.

Umaasa si Villar na mahihikayat ng inisyatibo ang marami sa kanyang constituents na magpabakuna.

Aniya, target ng kanyang liderato ang mataas na vaccination rate sa panahong dumating ang maraming suplay ng mga bakuna.

“Through this effort, we also have a chance to increase awareness and confidence in vaccines,” ayon kay Villar.

Sa isang survey Social Weather Stations (SWS), tatlo lamang sa 10 Pilipino ang gustong magpabakuna.

Upang maging kuwalipikado sa raffle, kailangang nasa edad 18 pataas ang sinonang residente ng Las Piñas City na nagkaroon na ng kahit isang dose ng bakuna.

Makukuha ang raffle tickets sa lahat ng barangay halls para sa mga nabakunahan at sa vaccination centers naman para sa mga babakunahan pa lamang.

Maaaring ihulog ang raffle tickets sa barangay halls, AllHome at AllDay Supermarket branches sa Las Piñas City.

Sisimulan ang buwanang raffle draws sa Hulyo 15, 2021 at 50 ang mananalo ng “pangkabuhayan showcase” na nagkakahalaga ng P5,000.

Sa Disyembre 24, 2021 naman isasagawa ang grand draw kung saan maaaring manalo ang mga taga-Las Piñas ng dalawang motorsiklo at isang bagong bahay at lupa sa Bria Homes.

AUTHOR PROFILE