Kulong

Vietnamese national laglag sa shabu

December 5, 2023 Edd Reyes 141 views

HIMAS-rehas ang 24-anyos na Vietnamese national nang makuhanan ng droga matapos magwala at batuhin ang pulis na nakasagian sa Pasay City noong Linggo.

Simpleng away traffic lang sana ang kakaharapin ni alyas “Cu” nang makasagian niya sa kalsada ang motorsiklong minamaneho ng isa sa mga tauhan ng Pasay Police Station Intelligence Section (SIS).

Imbes na maging cool, naging marahas pa ang dayuhan at binato pa ng nadampot na bato ang pulis.

Inaresto ng mga pulis ang dayuhan at nang kapkapan, nakuha sa bulsa niya ang 2.51 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P17,068 at apat na hindi pa alam na tableta.

Sa report na nakarating kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Mark Pespes, sinampahan na ng mga tauhan ng Pasay police ang dayuhan ng mga kasong Unjust Vexation at paglabag sa Section 11 ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa piskalya ng Pasay.

Ipinaalam na rin sa Vietnam Embassy sa Malate, Manila ang pagkakatiklo kay Cu at ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanya na isa sa ipinaiiral na panuntunan sa pagdakip sa isang dayuhan.

AUTHOR PROFILE