
Vice, TJ, KZ at iba pang OPM artists bida sa Barako Fest 2025
Sa ikatlong taon ng Barako Fest 2025 na ginanap sa Manila Batangas Bypass Road Section 3, ang bagong daan para mapabilis ang biyahe mula Manila pa-Batangas ang isa sa highlights ngayong taon.
Idagdag pa rito ang groundbreaking ng magarang complex na The Bean sa Barako Triangle.
“Ang pagdiriwang ay para sa ating lahat. Isang pagdiriwang ng ating mga ugat, ating mga pinahahalagahan, at ating kinabukasan. Let us enjoy the festivity, honor our heritage, and continue building the legacy worth remembering,” pahayag ni John Bryan Diamante, managing director ng Barako Festival.
Say naman ni Luis Manzano, tumatakbong vice governor ng Batangas, sa ginanap na mediacon,“Barako Fest, isang napakagandang selebrasyon ito ng anything and everything Batangueño. Isang bagay na ating ipinagmamalaki na nagsimula lang three years ago. At nakikita natin ang suportang binibigay hindi lamang ng Lipa kundi bawat Batangueño, pati buong Pilipinas nagdadagsaan dito sa Barako Fest. ’Eto na ang simula na kapag pinag-usapan natin ang lalawigan ng Batangas, hindi lang pag-uusapan ang kape, ang balisong, kapag sinabi ang Batangas, may magsasabi na, ‘diyan ‘yung Barako Fest, ‘di ba? Gusto kong mapuntahan ‘yan.’”
Mula sa 200,000 na dumalo noong nakaraang taon, ang target ng Barako Fest 2025 na 300,000 ay abot-kamay na dahil sold out na ang mga tiket para sa event.
Mas malaki at mas engrandeng Barako Fest nga ang meron ngayon dahil sa mga aktibidad na maaaring tangkilikin. Noong Day 1, Feb. 13, nagkaroon ng battle of the bands, barako games (inspired by the Korean series ‘Squid Game’), Billiard Cup at iba pa.
Kahapon, Day 2, Feb. 14, nagkaroon ng mini concert, car and motor meet, billiard cup, Angkeys to Win, Angkas Job Fair at marami pang iba.
Sa ikatlo at huling araw ngayong Feb. 15, magkakaroon ng main concert, Barako Games, Battle of the Legends, Angkeys to Win, Angkas Job Fair, Moto Gymkhana Slalom, Last to take hands off, trade fest, food fest, dirt fest, basketball championship, celebrity game at kung anu-ano pa.
Ang Barako Fest 2025 concerts ay tinatampukan ng mga kilalang personalidad sa larangan ng musika tulad nina Hev Abi, JC Santos, TJ Monterde, KZ Tandingan, Alex Gonzaga, Eclipse, Jerome Ponce, Ron Angeles, Mike Swift, Jessy Mendiola, Good Boyz at ang bagong girl group na Eleven 11. Reggee Bonoan