Vice, tinawag na ‘cheap’ ang fake tweet kay Bea
Nilinaw ni Vice Ganda na wala siyang galit sa mga artistang lumilipat ng ibang network tulad nga ng naging issue sa kanya recently kung saan ay naging kontrobersyal ang sinasabing tweet niya na pinabulaanan naman niya agad.
“Hindi kami galit sa mga lumilipat katulad ng pinapalabas n’yong tsimis sa social media. Hoy 2021 na, ang cheap-cheap ng trabaho n’yo. Cheap n’yo,” paglilinaw ni Vice sa It’s Showtime last Saturday.
Matatandaang naintriga si Vice recently nang maakusahang nagparinig siya kay Bea Alonzo dahil sa kanyang tweet.
Nakunan ng screenshot ang nasabing tweet na diumano’y binura na ng TV host/comedian.
Mabilis niyang pinabulaanan ang nasabing post at kinondena ang mga taong nagpakalat ng fake news.
Samantala, sinabi rin ni Vice na unti-unti na siyang sumasaya ngayon matapos ang pagsasara ng ABS-CBN last year.
“Dati sobra akong nalulungkot, talagang nadudurog puso ko. Pero ngayon, sumasaya na ko. Parang, the pain that I felt before is giving me strength right now. My God, isang taon na po ang nakakalipas pero nakatindig pa rin tayo ha,” ani Vice.
Sabi pa ni Vice, maraming nag-akala na tutumba na ang network pero heto nga’t dahan-dahan itong bumabangon kahit sa maliliit na paraan lamang.
KAPAMILYA STARS, NAGPASALAMAT
Nag-top trending kahapon ang hashtag na #ASAPKapamilyaForever sa live broadcast ng ASAP Natin ‘To bilang pag-alala sa isang taong anibersaryo ng tuluyang pagkakabasura ng prangkisa ng network.
Matatandang July 10 nang magkaroon ng botohan ang mga Kongresista kung bibigyan ng bagong prangkisa ang network and unfortunately nga ay hindi ito napagbigyan.
Sa live broadcast ng ASAP Natin ‘To kahapon ay nagpasalamat ang Kapamilya stars na patuloy pa ring sumusuporta sa shows ng ABS-CBN kahit wala na itong prangkisa.
“Salamat at hindi ninyo kami iniwan. Damang-dama po namin ang pagmamahal ninyo bilang aming Kapamilya,” sey ni Regine Velasquez matapos ang kanyang opening number.
Nagpadala rin ng kanyang recorded message si Sarah Geronimo at sey niya, “Hindi kami magsasawang paulit-ulit kayong pasalamatan dahil paulit-ulit niyo ring pinapatunayan na ang mag-Kapamilya, hindi nag-iiwanan. Mahal na mahal po namin kayo.”
Nagpasalamat din si Piolo Pascual sa kanyang recorded message.
“Even as we faced a lot of hardships and difficulties last year, your support and trust will always be an inspiration for us to continue to be in the service of the Filipino,” ani Piolo.
Bukod sa mga mainstay ay napanood din sa ASAP kahapon ang top Kapamilya artists tulad nina Vice, Daniel Padilla, Erich Gonzales, Iza Calzado and the Magandang Buhay hosts, among others.
Bukod sa mga nabanggit ay napanood din ang pagbabalik sa ASAP ng loveteam nina Liza Soberano at Enrique Gil.
At syempre, isa pang highlight ng episode ay ang appearance ng British rock band na Coldplay, na nag-perform ng kanilang latest single na Higher Power.