Vice regular na nagte-therapy para sa mental health issues
MATAGAL na palang sumasailalim sa therapy si Vice Ganda para pangalagaan ang kanyang mental health. Regular umano niyang ginagawa ito pero hindi na niya binanggit pa kung kailan siya nagsimulang makipagkita sa isang psychiatrist/psychologist.
Sa mediacon ng 2024 Metro Manila Film Festival (MMFF) entry niyang “And the Breadwinner Is…” sa Dolphy Theater kagabi, sinabi ni Vice na imposibleng hindi magkaroon ng mental health issues ang isang breadwinner.
Pero idinagdag niya na ang pagpapa-therapy niya ay hindi nangangahulugan na isa siyang “burdened breadwinner.” Para kay Meme, magaan ang pagiging breadwinner niya.
Hindi raw siya inobliga o inoobliga ng pamilya niya na buhayin sila dahil matagal ding nagtrabaho ang nanay nila. Siya mismo ang nagpatigil dito dahil kaya na niya silang buhayin mula sa kinikita niya sa showbiz.
“Ginusto ko ‘yon kasi gusto kong mag-share kasi marami akong sobra ngayon,” saad niya.
Kwento ni Vice, nagte-therapy siya para harapin ang mga past issue niya mula bata hanggang mag-artista at maging sikat na komedyante na siya.
“‘Yung pagpasan ng napakaraming problema nang mag-isa, imposibleng hindi ka magkaroon ng mental health issues. ‘Yung pakiramdam ng pagiging… ‘yung pakiramdam ng nag-iisa kasi, ‘yun ang pinakamahirap. ‘Yung, ‘di ba, hindi naman nawawala ang mga pagsubok sa buhay araw-araw, ‘di ba? Pero marami tayong pagsubok na nalalampasan natin nang madali kasi marami tayong katuwang.
“Pero ’pag nag-iisa ka at alam na alam mong wala kang maaasahan, ang sakit nu’n sa ulo. Ang hirap nu’n matulog, ang hirap nu’n mag-isip, lalong-lalo na kung ’yung nararamdaman mo, ’di mo masabi at wala kang mapagsabihan at walang gustong makinig sa gusto mong sabihin. ’Yun ang magku-cause sa ‘yo ng mental health issues. So, yeah,” paliwanag ng Unkabogable Star.
Dito na nga niya ni-reveal ang regular na pag-a-undergo ng therapy. Aniya, ito ang nakatulong sa kanya para maka-cope sa sitwasyon at sa mga pinagdadaan niya.
Ayon pa sa kanya, ito ang isang bagay na ayaw niyang ihinto.
“How did I cope up? I underwent therapy,” ani Meme. “Actually, not underwent. I’m still undergoing therapy. Nagte-therapy ako, nag-therapy ako noon at hanggang ngayon nagte-therapy pa rin ako at ‘yun ang isang bagay na hindi ko gustong ihinto.
“Parang ginagawa kong regular ‘yung pagte-therapy kasi gusto kong matulungan ang sarili ko, kasi marami pa akong gustong gawin. Katulad ng maraming breadwinners, marami pa siyang pangarap, eh. Marami pa akong pangarap, marami pang nakapasan sa akin, marami pa akong gustong gawin, gusto kong manatiling malusog hindi lamang ang pangangatawan ko kundi ang kaisipan ko kaya nagte-therapy ako hanggang ngayon. ‘Yun.“
Dagdag niya, “This is something na hindi ko masyado kasing nase-share pa kaya nabigla ako parang… pero naisip ko, parang ‘ano naman ang nakakahiya kung nagte-therapy ako?’ ’Di ba? At saka gusto ko ring malaman n’yo na ‘yeah, nagte-therapy ako. I am proud of it at ito’y isang bagay na hindi natin dapat pinagdadalawang-isipan na gawin dahil going to a therapy or seeking help sa isang psychiatrist, psychologist o sa isang professional para tulungan ka sa iyong mental health issues should be as normal as going to the dentist, ‘di ba? It should be as normal as going to the derma kung may problema ka sa skin. ’Yung ganu’n. So, yeah, ‘yun. Para maharap ko at maalagaan ko ang aking pangangailangang mental, ako po ay nagte-therapy every now and then hanggang ngayon.”
Obserbasyon ni Meme, sa Pilipinas, mas marami ang “burdened breadwinners” kesa “privileged breadwinners,” ’yung tipo na kaya sila breadwinner, kasi kaya nilang maging breadwinner ng pamilya.
Sa topic na ito nga umiikot ang kwento ng “And the Breadwinner Is…” na hatid ng Star Cinema at The IdeaFirst Company ng direktor nitong si Jun Lana.
Ginagampanan ni Vice sa pelikula ang papel ng OFW na si Bambi at kasama niya sa star-studded cast sina Eugene Domingo, Jhong Hilario, Kokoy de Santos, Gladys Reyes at marami pang iba.
Mapapanood ito sa mga sinehan simula December 25 bilang bahagi ng 50th anniversary ng MMFF.