Vice ibinahagi kay Uge ang napanalunang citation
Ikinagulat ni Vice Ganda ang natanggap niyang special award sa Gabi ng Parangal ng 50thMetro Manila Film Festival na ginanap noong December 27 sa Solaire Resort.
Pinarangalan ang Unkabogable Star ng Special Jury Citation at kitang-kita na nagulat siya nang tawagin ang pangalan niya.
‘Kaaliw ang kanyang acceptance speech dahil talagang ang una niyang tanong ay kung para saan ba ang award na ito.
“Pagtayo ko, tinatanong ko si Direk Jun (Lana) at si Uge (Eugene Domingo), ‘ano ba ’tong award na ’to?’ Special Jury Citation for what? For Best Dressed of the Night? Special Jury Citation for Best Performance? Ganu’n ba ‘yon? Ah, okay. So, salamat po,” natatawang sey ni Vice.
Sabi pa niyang natatawa, “Seriously, hindi ko talaga alam. Nagtatanga-tangahan ako. Ayoko namang magpasalamat na hindi ko naiintindihan ‘yung award.”
Kaya naman binasa ng presenters na sina Lorna Tolentino at Dennis Trillo ang description ng kanyang award.
“Ah, ayun pala, baka sa best hairstyle, best outfit,” birong dugtong pa niya.
Nakasaad sa deskripyon na ang nasabing parangal ay ibinibigay sa “performer who has broken the ground and gone out of the familiar and comfort zone to prove his growth as an artist and tackle issues relevant to the contemporary society.”
Mas lalong nakakaaliw ang reaksyon ni Vice dahil nagkunwari siyang maiiyak pa dahil sa labis na tuwa.
“Thank you very much! Oh my God! I have long been waiting for this! At last, finally, I am seen. Hindi joke ‘yon,” aniya na kunwaring maiiyak.
Pagkatapos nito ay seryosong nagpasalamat si Vice sa MMFF.
Sa ilang taon daw niyang pagsali sa taunang festival ay ito ang unang pagkakataon na binigyan siya ng award.
Kasunod nito ay nagpasalamat siya sa ABS-CBN na kanyang home network.
“Maraming, maraming salamat sa pagkakataon na ibinigay pa rin sa akin ng ABS-CBN. Sa mga panahon na hirap na hirap na ‘yung kumpanya na kinabibilangan ko, ay pinipilit pa rin nilang gumawa ng magagandang proyekto, magagandang mga contents.
“At nagpapasalamat ako dahil sa mga pagkakataon na hindi na nila kayang gumawa ng maraming, maraming proyekto, maraming pelikula, maraming contents, isa ako sa napipili nilang gumawa ng mga pelikulang ilalabas nila bawat taon,” wika ng TV host-comedian.
Pinasalamatan din niya ang “And The Breadwinner Is…” direktor niyang si Jun Lana, “”Maraming salamat kay Direk Jun Lana at binigyan mo ako ng ganitong istorya. Binigyan mo ako ng ganitong istorya na inaantay na rin ng marami. Binigyan mo ako nitong pagkakataon na gumanap sa isang karakter na hindi lang magpapatawa, isang karakter na hindi lamang mang-aaliw sa mga manonood kundi tutusok sa mga puso at kaluluwa ng mga makakakita into, at makapagbibigay ng maraming realizations at maraming, maraming aral sa mga makakatunghay ng pelikulang ito. Maraming, maraming salamat sa paggabay mo.”
Mas lumakas pa ang kantyawan nang papatapos na ang pangabog na speech ni Vice na nagsabing, “My, God, hahabaan ko na kasi itong award na ‘to baka ibig sabihin hindi ako magbe-best actor! Baka ito ‘yung award sa mga first runner-up. ‘Yung baka ‘sayang ‘yung outfit at saka sikat naman siya paakyatin na natin siya for star value of the moment.’ Pero Special Jury Citation maraming salamat sa pagkilala at sini-share ko ito sa mga kapwa ko artista sa pelikulang ito. I also share this with Eugene Domingo, who I strongly and absolutely (believe) also deserves to be at least nominated for the best supporting actress.”
Sa huli ay inalay ni Vice ang citation sa nanay niya at sa asawang si Ion Perez.