Vice

Vice emosyonal pa rin sa ‘subuan ng cake’ isyu

October 22, 2024 Vinia Vivar 106 views

Hango sa tunay na karanasan nina Vice Ganda, Karylle at Ryan Bang ang theme ng kanilang performance sa Magpasikat anniversary presentation ng “It’s Showtime” nu’ng Lunes.

Tungkol sa faith at love ang tema ng performance na pasok sa kanilang mga pinagdaanan sa buhay.

Sa interview kay Vice nina Karylle at Ryan ay naging emosyonal siya habang inaalala ang isyung kinaharap noong August, 2023 nang patawan siya ng parusa ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) matapos ireklamo ng mga manonood sa pagkain nila ng cake ng asawang si Ion Perez sa ‘It’s Showtime.’

“Sabay-sabay ‘yung suntok, ‘yung tadyak. Parang pinagtulungan ako. Parang pinatulung-tulungan talaga ako. Bugbog na bugbog ako nu’ng oras na iyan,” sabi ni Vice.

“Kaya pagod na pagod ako kasi lumalaban ako para sa sarili ko, para kay Ion, para sa ‘Showtime’ kasi may mga taong naghahangad ng masama sa programang ito, eh,” dagdag niya.

Pero malaking tulong daw ang pagmamahal at suporta na ipinaramdam ng kanyang co-hosts at ng studio audience para makaya niya ang mga ipinupukol ng mga tao.

“Naramdaman ko na may kasama ako. ‘Yung hope, binubulungan ako na don’t panic, we will be okay,” aniya.

Naging emosyonal din si Karylle dahil ito raw ang unang “Magpasikat” number niyang hindi na mapapanood ng kanyang tatay.

“Gusto ko malaman niya na sobra-sobra ko siyang mahal. Sana marinig pa rin niya ‘yung kantang ginawa ko para sa kanya,” sey ni Karylle na kinanta ang original composition na ginawa para sa ama.

“I can’t say that I loved you enough but I loved you so much,” ang bahagi ng lyrics ng kanyang song.

Ibinahagi naman ni Ryan Bang ang naging struggle niya noong grade school pa lamang siya matapos maghiwalay ang kanyang parents.

“Hindi sinagot ‘yung prayer ko kay God. Nawala ‘yung hope ko doon,” sey ni Ryan.

Sa ngayon ay okay na ang mga magulang at masaya siyang makita uling magkasama ang mga ito nang ipakilala niya ang fiancee na si Paola.

“Sobrang saya ko, nakita ko si mommy tumatawa sa joke ng daddy ko,” aniya.

Kaya naman dahil dito ay nagkaroon siya ng hope na muling mabuo ang kanyang pamilya.

“May nakikita ako na may posibilidad pala, may asa, ‘yung hope ko,” sabi ni Ryan.

In fairness ay marami ang napaiyak sa performance nina Vice, Karylle at Ryan. Maging si Maris Racal ay nag-commengt ng “can’t stop crying” matapos mapanood ang production number ng mga ito.

Nakasama rin ng tatlo sa kaniang Magpasikat performance ang P-pop group na SB19 at ang gymnast champ at 2two-time Olympic gold medalist na si Carlos Yulo.

AUTHOR PROFILE