
Vice dinenay ang pagtatanggol kay Duterte
Inalmahan ni Vice Ganda ang kumakalat na ‘quotation’ niya sa social media kung saan ay pinupuri niya si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nag-trending ang pangalan ng Unkabogable Star matapos maaresto si Digong nitong Martes. Isang art card kasi ang kumalat kung saan ay mababasa ang diumano’y pagtatanggol niya kay Duterte.
Ang nakasaad sa art card kung saan naka-quote si Vice ay, “Ayaw kong magpakahipokrito ha, aminin natin nung time ni FPRRD, karamihan ng adik nagbagong buhay, karamihan sa mga kriminal nag uu nahang sumuko dahil sa takot kay Duterte.
“Confident kayong lumabas sa gabi dahil alam niyong yung mga kriminal at masasamang loob nabawasan na.
“Kung hindi si Duterte ang namuno ng pandemic, lahat tayo patay. Lahat ng pondo ng gobyerno ginamit ni Duterte maitawid lang tayo sa pandemic.”
Sa pamamagitan ng kanyang X at Facebook accounts ay mariing itinanggi ni Vice ang mga naturang statement.
“I never stated this. Pls report,” ang sabi ni Vice sa kanyang X page kalakip ang nasabing pekeng quote card.
Ni-repost din niya ito sa FB at nilagyan ng caption na, “FAKE NEWS!
“Huwag paniwalaan ang kumakalat na pahayag na ito! Wala po akong inilabas o sinabi na ganitong statement.
“Maging mapanuri at huwag basta maniwala sa impormasyong walang malinaw o opisyal na pinagmulan. Please report!” pahayag ng TV host/comedian.