
VIC SOTTO NAPIKON NA, NAGPATUTSADA?
Aling Maliit ‘tagilid’
SINUBAYBAYAN ng mga netizens ang episode ng Eat Bulaga! noong Sabado, Abril 23, dahil sa inilabas na pahayag noong nakaraang Miyerkules ni Tito Sotto, longtime host ng programa, na humaharap sa matinding pagsubok ang Eat Bulaga.
Noong Abril 19, 2023, nakapanayam ng programang Fast Talk with Boy Abunda ang Chief Finance Officer ng TAPE Inc. na si Dapitan City Mayor Bullet Jalosjos. Anak siya ng dating congressman na si Romeo Jalosjos na co-founder at owner ng 70 percent ng kumpanya.
Sinabi nito na binigyan siya ng pahintulot ng kanilang kumpanya na magsalita pagkatapos magpahayag ni Tito Sotto ukol sa kinahaharap na problema ng Eat Bulaga.
Ayon kay Tito Sotto, tatanggalin ang mga batikang hosts na sina Tito, Vic at Joey, kasama ang mga dabarkads na sina Jose, Wally at Paolo, dahil sa hinaharap nitong krisis sa pera.
Nabanggit din ni Tito Sotto na may utang na tig-P30 million ang TAPE Inc. kina Vic at Joey sa talent fees noong 2022.
Nagbigay naman ng mensahe para sa kaniyang kaarawan nitong Sabado si Bossing Vic Sotto habang tumatakbo ang program.
“Sandali, may message muna ako. Siyempre birthday message. Ito lang ang message ko ngayong birthday kong ito, eto…,” sabi ni Bossing bago tumalikod at ipinakita ang jacket niyang may nakasulat na TVJ.
Hanggang ngayon, sinusubaybayan pa rin ng mga dabarkads ang mga susunod na mangyayari sa Eat Bulaga gawa ng mga kontrobersiyang kinahaharap nito.
RYZZA MAE, MAG-BABYE NA NGA BA SA EAT BULAGA?
Umugong din ang usap-usapan sa mga netizens nitong Miyerkules, Abril 26, tungkol sa young actress at TV host ng noontime show na si Ryzza Mae Dizon. Ayon sa panayam nina Tito Sen, gusto itong ipatanggal sa hindi malinaw at maipaliwanag na dahilan ng TAPE Inc.
“They wanted to remove si Ryzza… gusto palitan ng ibang bata na gustong ipakilala sa publiko,” ani Tito Sen.
“Kasi, ‘yung gusto nilang i-promote na bata… puwede ngang matulungan ni Ryzza ‘yun eh, ‘di ba? Puwedeng maging ka-tandem para mas madaling sumikat kung gusto nilang sumikat,” saad ng host.
Umani ng samut-saring komento mula sa mga netizens ang isyung ito. Hindi pabor ang ilan sa pagpapatanggal sa young TV host.
“Pls wag tanggalin ci ryzza dizon,” sabi ng isang netizen.
“Wala kang magagawa kung may alisin sa isang company, sa bagay ok naman na tanggalin sya kasi kung wala namang syang na gagawa,” patutsada naman ng isa pang nagkomento.
“Palitan na iba naman nakakasawa na,” dagdag pa ng isang Facebook user.
Binansagan si Ryzza Mae bilang “Aling Maliit” sa noontime show matapos nitong manalo sa isang segment ng Eat Bulaga na Little Ms. Philippines noong 2012. Isa ito sa kilalang pinakabatang host sa kasaysayan ng programa. Nina PAUL BACON, FIDES GERONIMO & CHRISTINE MACALALAD (OJTs)