TVJ

Vic maghahain ng reklamo laban kay Darryl

January 9, 2025 Ian F. Fariñas 96 views

KeempeeKeempee1NAKATAKDANG maghain ng reklamo ngayong Huwebes ang TV host-comedian na si Vic Sotto laban sa direktor na si Darryl Yap kaugnay ng teaser ng pelikula nitong “The Rapists of Pepsi Paloma.”

Ayon sa ipinadalang advisory ng legal counsel ni Vic, sa Muntinlupa City Regional Trial Court sila dudulog para ihain ang complaint ng “Eat Bulaga” host.

Matatandaan na nitong Bagong Taon ay inilabas ng VinCentiments ang teaser 1 ng naturang pelikula na tumatalakay umano sa naging buhay ni Pepsi, isang sikat na sexy star noong dekada ’80.

Sa nasabing teaser na nirepost ni Darryl sa kanyang Facebook account, maririnig na binanggit ni Gina Alajar, bilang yumaong aktres na si Charito Solis, ang pangalan ni Vic habang kausap si Rhed Bustamante, na gumaganap naman sa papel ni Pepsi.

Ang teaser ay tinawag na, “LABAN O BAWI. Teaser 1.”

Kalakip nito ang caption na: “Inakusahan ng Rape ni Pepsi Paloma si Vic Sotto atbp; subalit makalipas ang ilang kaganapan ay inurong nito ang demanda. Bakit?”

Noon namang December 29, 2024, nag-post si Darryl sa FB ng mensaheng, “pwede lang ako mapahamak sa paggawa ng pelikulang hango sa tunay na buhay — kung magsisinungaling ako.

HINDI KO IPAPAHAMAK ANG SARILI KO, HINDI AKO MAGSISINUNGALING.

“wala akong personal o pulitikal na motibo,
“hindi kaaway ng mga Sotto ang producer ko,
“wala akong masamang tinapay sa TVJ.
“Hindi mahirap ikwento ang Katotohanan,
“lalo na kung kwento ito ng kababayan.
“Si Pepsi Paloma ay Taga-Olongapo, tulad ko.
“Responsibilidad kong ibandera
“ang kwento ng aking lungsod at mamamayan nito.
“MAGANDA MAN O MALAGIM.

Nauna rito, kinondena ni Keempee de Leon, anak ng dawit din sa isyung si Joey de Leon, ang pagbuhay sa kwentong TVJ at Pepsi.

Sa mediacon ng bagong Kapuso series na “Prinsesa ng City Jail,” sinabi ni Keempee na nalungkot siya nu’ng una niyang marinig ang tungkol sa movie.

“Sabi ko, ‘bakit kailangan nilang gawin ‘to? Dahil ba eleksyon?’ Dahil si Tito Sen (Tito Sotto) ‘di ba, tatakbo? Kumbaga, nananahimik na pare-pareho, ba’t kailangang buhayin pa ‘yung mga ganitong tapos na? Kumbaga, patay na, bubuhayin mo pa? Hayaan na natin sa hukay ‘yan,” anang aktor.

Patuloy ni Keempee, “Ako, medyo nakakalungkot lang kasi, nananahimik ‘yung mga tao, tapos biglang may pasabog na ganyan. Sana, alamin muna nila, ‘di ba? Pero wala, eh. Ganu’n talaga.”

Nang may magsabing nagagamit sa publicity ng pelikula ang TVJ, ang matipid na sagot niya, “You could say that.”

At dahil napapabalitang gaya ni Vic ay balak ding magsagawa ng legal action ng anak ng isa pang sangkot sa kontrobersiya — ang yumaong komedyanteng si Richie D’Horsie — natanong si Keempee kung ano ang magiging hakbang niya.

“Ayokong makisali diyan, eh,” sagot niya.

Hindi rin daw nila ito pinag-uusapan ni Joey lalo pa nga’t kababati lang nila noong Father’s Day last year.

“Kelan lang kami nagbati ng tatay ko, so ayokong mabahiran na naman na kung kelan kami… four or five years kaming hindi nag-usap, eh.

Ako talaga ‘yung gumawa na lang ng first move, na last year lang, nu’ng Father’s Day, talagang sinadya ko siya sa ‘Eat Bulaga,’” emosyonal na kwento ni Keempee.

“So, ayokong mabahiran ‘yung… pag-awayan pa naming mag-ama,” dagdag pa niya.

If at all, thankful si Keempee na matapos ang siyam na taon ay balik-GMA siya sa “Prinsesa ng City Jail” na pinagbibidahan ni Sofia Pablo.

Sa January 13 na magsisimula ang “Prinsesa ng City Jail” sa afternoon slot ng GMA-7.

Kasama rin sa cast sina Allen Ansay bilang leading man ni Sofia, Dominic Ochoa, Beauty Gonzalez, Denise Laurel, Ina Feleo, Jean Saburit, Ayen Laurel at marami pang iba.

AUTHOR PROFILE