Vic hindi magpapatawa pero susubukang humatak sa takilya
DALAWANG magkahiwalay na pelikula ang aming pinanood last Monday, December 16 sa SM Megamall, ang special screening ng “The Kingdom” na pinagbibidahan nina Vic Sotto at Piolo Pascual at pinamahalaan ni Michael Tuviera at joint production ng MQuest, APT Entertainment at M-Zet Film Production na ginanap sa Director’s Club at ang “My Future You” na tinatampukan ng magka-loveteam (at magkasintahan?) na sina Francine Diaz at Seth Fedelin na dinirek ni Crisanto Aquino under Regal Entertainment. Magkaiba ang tema ng dalawang pelikula at parehong worth-watching.
For the first time, hindi nagpapatawa ang actor-comedian, singer-songwriter, TV host at TV and film producer na si Vic Sotto kundi sumabak siya sa drama.
Maganda ang kuwento ng family drama na “The Kingdom,” ang pagkakadirihe ni Direk Michael Tuviera, production design, music at cinematography. Very natural ang acting na ipinakita ni Bossing (Vic) at hindi naman matatawaran ang husay sa acting nina Piolo Pascual, Iza Calzado, Cristine Reyes, Sue Ramirez, Sid Lucero, Ruby Ruiz at ang 2023 MMFF Best Actor na si Cedric Juan, among others. Halatang hindi tinipid ang pelikula dahil makikita ito sa costumes, sets at props.
Ang “The Kingdom” ay isa sa pinaniniwalaang lalaban sa takilya lalupa’t ibang Vic Sotto at Piolo Pascual ang makikita ng mga manonood.
Samantala, may guest appearance ang PLDT, TV5, Cignal TV and MQuest big boss na si Manny Pangilinan sa “The Kingdom” nina Vic at Piolo.
FranSeth mahal ang isa’t isa pero may priority
PAGKATAPOS ng special screening ng “The Kingdom” ay agad kaming tumuloy sa red carpet premiere night ng “My Future You” nina Francine Diaz at Seth Fedelin na ginanap naman sa Cinema 2 ng SM Megamall.
Habang ongoing ang screening ng pelikula ay hindi maiwasan ang hiyawan sa loob ng sinehan ng FranSeth fans na kinikilig sa tuwing nakikita ang sweet moments ng dalawa sa screen.
First movie nina Francine at Seth ang “My Future You” at napakasuwerte nila dahil agad itong pumasok sa 50th year ng Metro Manila Film Festival.
Kung kilig factor ang hanap ng mga manonood, then “My Future You” is for them.
Sa pelikula ay makikita ang respective roles nina Francine at Seth sa magkaibang panahon na magsasanib sa kasalukuyang time. Kung paano ito mangyayari ay kailangang panoorin ang kabuuan ng pelikula. Maraming kilig moments ang pelikula kaya tiyak na magugustuhan ito ng mga fans ng dalawa at doon sa mga gustong kiligin at ma-in love. Ang ganda rin ng rehistro ng dalawa on screen.
Umaasa naman sina Francine at Seth na tatangkilikin ng mga manonood ang debut movie nila ni Seth, ang “My Future You” under Regal Entertainment.
Samantala, sa aming hiwalay na panayam sa dalawa, ayaw nilang lagyan ng label kung anumang relasyon meron sila ngayon dahil pareho umano silang hindi nagmamadali. Pero alam nila pareho na mahal nila ang isa’t isa at gusto rin nilang silang dalawa ang maging “My Future You” balang araw.
Sinabi rin ni Seth na ayaw umano niyang sirain ang tiwala sa kanya ng parents ni Francine kaya pareho nilang pinangangalagaan ang kanilang espesyal na pagkakaibigan.
Kahit mga bata pa sina Francine at Seth ay pareho rin silang pinaghahandaan ang kanilang mga future kaya unti-unti rin silang nag-i-invest sa mga properties tulad ng farm.
May farm sa Bataan si Francine habang nasa Cavite naman ang farm ni Seth. Pareho rin nilang priority ang respective houses for their families dahil pareho rin silang bread winner sa kanilang mga pamilya.
Hindi-hinding makakalimutan ni Seth at ng kanyang dating OFW father nang ito’y kanyang regaluhan ng motorcycle bilang surprise gift. At that time ay hindi pa ganoon kalaki ang kinikita ng young actor pero nakuha niyang mag-ipon for his father. They are also both sending their siblings to school.
Nauunawaan pareho nila Francine at Seth ang kanilang mga pamilya na kailangan nilang tulungan at suportahan.
Sa ngayon ay priority kina Francine at Seth ang kanilang respective careers but they’re always there to support each other at inspirasyon nila ang isa’t isa sa kanilang mga ginagawa.
Ang FranSeth ay isa sa mga hot love teams na binuo ng Star Magic and ABS-CBN.
‘It’s Showtime’ sinisiguro ng GMA SVP na magpapatuloy sa kanilang istasyon
HANGGANG sa katapusan na lamang ng buwang kasalukuyan ang kontrata ng noontime program ng ABS-CBN, ang “It’s Showtime” pero nagbigay ng 95% assurance ang Senior Vice-President ng GMA Network na si Atty. Annette Gozon-Valdez na muli silang magkakapirmahan ng kontrata with the Kapamilya channel lalupa’t consistent ang programa sa pangunguna sa ratings.
May ilan pa silang provisions in the contract na kailangang pagkasunduan at kasama na rito marahil ang pagpu-promote ng Kapamilya talents ng kanilang mga pelikula at programa sa “It’s Showtime”.
Hindi siyempre pababayaan ng GMA Network management na mawala sa kanila ang “It’s Showtime” dahil bukod sa ito’y top-rating among the noontime shows, tuluy-tuloy din ang kanilang revenue from airing the program.
Nagpadala rin umano ng Letter of Intent ang T.A.P.E. Inc., dating producer ng longest noontime show na “Eat Bulaga” na interesado rin umano silang maglagay ng bagong noontime program sa GMA sakaling nawala sa kanila ang “It’s Showtime”. Pero may mga financial issues pa umanong dapat ayusin ang TAPE, Inc. with the Finance Dept. ng GMA.
Hindi rin basta-basta ile-let go ng GMA ang “It’s Showtime” which is a goldmine.
At kung saka-sakali namang hindi magkakasundo ang magkabilang panig, nariyan ang ALLTV ng Advanced Media Broadcasting System (AMBS) ng mga Villar na bukas for ABS-CBN’s noontime program, ang “It’s Showtime”.
May ilang buwan na ring napapanood sa ALLTV ang flagship news program ng ABS-CBN, ang “TV Patrol”.
Bukas umano ang ALLTV ng AMBS for other contents coming from ABS-CBN na siyang dating may tangan ng frequency na hawak ngayon ng AMBS.
Jennylyn ‘di pa rin pumipirmang muli sa GMA pero busy bilang co-producer
MARAMI ang nagtataka kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin pumipirma ng bagong kontrata ang (dating) Kapuso star na si Jennylyn Mercado matapos mag-expire ang kontrata nito several months ago na ang nakakaraan.
Although may isang executive kaming nakausap from GMA na sigurado na umano ang muling paglagda ng misis ni Dennis Trillo sa kanila pero hanggang ngayon ay wala pa ring pirmahang nangyayari.
Habang naghihintay si Jennylyn ng bagong project, nahaharap nito ngayon nang husto ang pagiging ina ng bunso nila ng husband niyang si Dennis Trillo na si Dylan gayundin ang kanilang respective sons na sina Alex Jazz at Calix na pareho nang tinedyer.
Sa unang pagkakataon ay co-producer ang Brightburn Entertainment ng mag-asawang Dennis at Jennylyn with GMA Films and GMA Public Affairs sa 50th Metro Manila Film Festival movie na pinagbibidahan nina Denni at Ruru Madrid, ang “Green Bones” mula sa panulat ng National Artist for Film and Broadcast na si Ricky Lee at direkyon ni Zig Dulay, director ng “Best Picture” movie ng 2023 MMFF na ‘Firefly.’
Na-inspire marahil ang mag-asawang Dennis at Jennylyn kina Dingdong Dantes at Alden Richards na pareho na ring film producers.
SUBSCRIBE, like, SHARE and press the bell icon of “TicTALK with Aster Amoyo” and “Inside SHOWBIZ, atbp. with Aster Amoyo” on my YouTube channel. Follow me on Instragram and Facebook@asteramoyo and X@aster_amoyo.