Bossing

Vic, balik-MMFF sa 2022

October 19, 2021 Ian F. Fariñas 674 views

MIYEMBRO siya ng fans club ng anak na si Pasig City Mayor Vico Sotto. ’Yan ang isa sa mga inamin ni Vic Sotto sa virtual mediacon kahapon para sa third anniversary ng Daddy’s Gurl ng M-Zet Productions sa GMA-7.

Bilang ama, anang komedyante, magkaiba sila ng approach ng Daddy’s Gurl character niyang si Barak Otogan, dahil hindi siya pakialamero o nagbibigay ng unsolicited advice sa mga anak kabilang na nga si Mayor Vico.

“Well, alam ko naman na he will be doing… when he started to go into public service, nu’ng una siyang magpaalam sa akin nu’ng tatakbo siyang konsehal, konsehal pa lang, alam kong nasa puso niya na magsilbi sa tao. ’Yung totoo ’to, ha, hindi ’yung dahil gusto kong maging… i want to be in power… i want to be maging konsehal o ganu’n. Lalo na nu’ng magsabi siya sa aking he wants to run for mayor. Hindi naman biro ’yung pinagdaanan niyang… tinahak niyang landas. And I’m just very proud na he’s setting a very good example of what good governance is all about… na pwede kang magpatakbo ng gobyerno nang hindi nangungurakot.

“Hindi kailangan maging corrupt para makapag… mas maraming nakikinabang ngayon sa Pasig. Mas madali ang buhay. Pagkuha lang ng permit, dati kailangan susuot ka sa ilalim ng mesa para may under the table. Ngayon hindi na, eh. Online lang, makakakuha ka ng permit, eh. So like what I’ve said, I’m very proud of him. He’s setting a very, very good example na sana tularan, lalo na ng mga kabataan na gustong maging leader ng ating bayan in the future. Na pwede nating ayusin ito, basta meron ka lang political will, kaya natin ayusin ang gobyerno.

Kaya, mabuhay! Mabuhay tayong mga Pilipino!” mahabang pahayag ni Bossing Vic.

In-acknowledge rin niya na sa kauna-unahang pagkakataon, ngayong pandemya at work from home siya, naging 100 percent o full-time dad siya sa bunsong si Tali (anak niya sa misis na si Pauleen Luna), ’di tulad noon kina Danica, Oyo, Mayor Vico at Paulina.

“More than half of my life I was working, para sa kanila naman ’yon. Ito ang first time na halos lahat ng highlights ng isang bata ay nakita ko.

Not like with Danica, sila Oyo, mga lumalaki, most of the time I was out of the house, working, shooting, taping. Vico, Paulina, I wasn’t there 100 percent. First time, 100 percent, nakita ko first step, first word, kung ano ’yung una niyang nabasa, kung ano ’yung una niyang kinanta na buo,” kwento ni Vic.

At kung meron man daw siyang nadiskubre sa sarili, ito ay ang pangyayari na okay naman pala siyang tatay, isang 100% full-time daddy.

Sa nasabi ring virtual mediacon para sa Daddy’s Gurl, nabanggit ni Vic na hindi muna siya magpo-produce ng entry sa Metro Manila Film Festival sa December.

Lie low muna raw siya sa paggawa ng pelikula dahil nga sa hirap at limitasyong dulot ng mga Covid-19 restriction.

Pero, kapag umigi na ang panahon, nangako ang komedyante na muling sasabak sa MMFF sa 2022.

Sa ngayon, focused muna si Vic sa Daddy’s Gurl at Eat Bulaga although hindi pa rin siya lumalabas at kinunan lamang ang kanyang mga eksena/spot sa bahay nila ni Pauleen.

Sa loob ng tatlong taon, parang naging survival daw ang labanan sa pagpo-produce niya ng Daddy’s Gurl.

Hirap man, nagdesisyon si Vic na ituloy ang show dahil sa rami ng nababalitaang pagsasara ng mga kumpanya lalo na nu’ng nakaraang taon.

Ayaw daw niyang mawalan ng trabaho ang mga kasamahan.

“Parang naging survival, eh, anong pwede, replay-replay muna, tapos nag-virtual muna kami. Du’n lumabas ang galing ng writers at director namin. Kung papa’no nila nagawa na virtual, puro Zoom-Zoom-Zoom lang, pero nag-flow ’yung istorya, nagkaroon ng issues na na-resolve, naka-survive kahit papa’no. At higit sa lahat, sa aming munting kakayahan, naka-provide kami ng entertainment at katatawanan sa mga namumroblema nating kababayan kahit sa loob ng isang oras lang,” sabi pa ni Vic.

Samantala, mas lumaki pa ang “pamilya” ni Vic sa Daddy’s Gurl dahil sa bagong cast members na sina Carlo San Juan, Prince Celemente, Prince Carlos at Jem Manicad. Siyempre, nandu’n pa rin ang original cast na sina Maine Mendoza, Oyo Sotto, Wally Bayola, Angelika dela Cruz, atbp.

Mapapanood ang third anniversary presentation ng Daddy’s Gurl sa ilalim ng direksyon ni Direk Chris Martinez sa Sabado ng gabi, October 23, sa GMA Network.

AUTHOR PROFILE