Bong

Vhong, ’wag munang husgahan — Sen. Bong

September 22, 2022 Vinia Vivar 131 views

HUWAG munang husgahan.” ’Yan ang linya ni Senator Bong Revilla nang matanong tungkol kay Vhong Navarro na napapagitna ngayon sa kontrobersiya dahil sa dalawang kasong isinampa ng modelong si Deniece Cornejo.

Gaya ng alam ng lahat, kasalukuyang naka-detain si Vhong habang inaayos ang kanyang bail.

Dahil may mabigat ding pinagdaanan ang senador, natanong siya kung ano ang masasabi niya sa sitwasyon ng kasamahan sa industriya ngayong nasa gitna ito ng matinding pagsubok.

Ani Sen. Bong sa birthday lunch with the entertainment press kahapon, “Kung talagang ginawa niya ‘yon, makikita naman ng korte ‘yan, pananagutan n’ya ‘yon. Kung hindi naman niya ginawa, that is so unfair for him na magdusa siya sa kulungan nang wala siyang kasalanan. Kaya I just hope na mapabilis ‘yang pag-resolve ng kaso na ‘yan, whether guilty or not. Pwede naman ipa-fast-track ‘yung hearing n’ya. Pero how many years na ‘yan, tagal nang pinag-uusapan ‘yan. Nandu’n pa ‘ko sa loob ng Crame, issue na ‘yan.”

Dagdag ng senador na magpi-56 years old na sa Linggo, Sept. 25, “Ang sa ‘kin lang, mabigat magbatuhan ng putik. Hindi natin alam kung ano talaga totoo r’yan. Kaya ang masasabi ko lang, kung talagang walang kasalanan, dapat matapos na ‘yan. Kawawa naman ‘yung tao magsa-suffer nang walang kasalanan. Pero kung talagang nagkasala siya d’yan dapat harapin niya ‘yon.”

Samantala, tinatawanan na lang ni Sen. Bong ang patuloy na pamba-bash sa kanya ng ibang netizens kahit na nga ba matagal na niyang pinatunayan na wala siyang kasalanan sa mga ibinibintang sa kanya.

“Hindi mo maiwasan may mga basher pa rin. Pero alam mo, hindi mo maiiwasan ‘yun, eh. Kakambal na natin ‘yan. ‘Yung mga taong walang magawa, pababayaan na lang natin ‘yun, pag-pray na lang natin ‘yun,” pahayag ni Sen. Bong.

“Basta tayo, kahit ano pang gawin nila, i-bash nila tayo, kahit ano pang gawin nila, basta tayo, hindi tayo titigil sa pagtulong sa ating mga kababayan,” aniya.

Ngayon nga ay may bonggang pasabog na naman ang aktor/politiko para sa nalalapit niyang kaarawan.

Bilang pasasalamat sa mga biyayang natatanggap ay magkakaroon si Sen. Bong ng “Alyas Birthday Giveaway” na gaganapin ng 6 ng gabi, Linggo, Setyembre 25.

Mapapanood ito sa www.facebook.com/bongrevillajr.ph.

Makakasama niya rito ang asawang si Lani Mercado-Revilla at ilang miyembro ng kanilang pamilya na magdaragdag-saya sa programa.

Sa pagtutulungan ng mga sponsor, malalapit na kaibigan, ilang negosyante at iba pa, magbibigay sila ng isang brand new car na highlight ng programa.

Mayroon ding 10 motorsiklo, laptop, cash prizes na P100,000, P50,000, P20,000 at P10,000 sa mga mapipili at hindi bibitiw sa panonood.

Limandaang katao ang mananalo ng tig-iisang libong piso. Taun-taong ginagawa ni Sen. Bong ang mamahagi ng cash at gadgets.

“Walang ibang gagawin kundi tumutok sa programa, sumali sa mga palarong madadali lang at may tsansa na kayong manalo ng bagong kotse, mga motorsiklo at marami pang iba,” paliwanag ni Sen. Bong.

AUTHOR PROFILE