Paul Gutierez

“Very Good” pa rin ang PBBM admin!

February 12, 2024 Paul M. Gutierrez 55 views

TAAS-NOO natin ipinagmamalaki, na mataas pa rin ang gradong ibinigay ng ating mga kababayan, sa administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos sa pagtatapos ng taong 2023.

Ito ay batay sa resulta ng survey na ipinalabas ng Social Weather Station (SWS), kung saan nakakuha ng net rating na +52 o katumbas na “very good” ang Marcos administration.

S’yempre dear readers, very proud ang inyong lingkod, dahil masasabi natin na bahagi at katuwang tayo ng ating mahal na Pngulo sa mahusay na pagseserbisyo sa ating mga kababayan, dahil ang ating tanggapan, ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), ay nasa ilalim ng Office of the President.

Tinatalakay natin ang resulta ng survey na ito, dahil nakabatay ito sa tanong hinggil sa kung gaano nasiyahan ang ating mga kababayan sa paglilingkod ng administrasyon ni PBBM. Hindi ito tulad ng ibang survey na tinatanong lamang ang awareness o popularity.

Batay sa survey, na iprinisinta ni SWS vice president Jay Sandoval, very good ang PBBM admin sa mga pangunahing serbisyo. Ito ay kinabibilangan ng pagpapalakas ng antas ng edukasyon ng kabataan (+67), pagtulong sa mga biktima ng kalamidad (+61) at higit sa lahat ang pagtulong sa mahihirap (+52).

Ang tatlong antas na ito ang karaniwang hinahanap na serbisyo ng ating mga kababayan, at pinatunayan ng administrasyon ni PBBM na lagi itong handang tumugon sa lahat ng uri ng serbisyo publiko.

“Good” naman ang marka na nakuha sa iba pang aspeto tulad ng paghahanda sa climate change (+37) at pagtiyak ng food security (+29).

Ang Fourth Quarter 2023 SWS survey ay isinagawa mula December 8-11 sa pamamagitan ng face-to-face interview na mayroong 1,200 adult respondents sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ipinaliwanag ni Sandoval na nakuha ang rating sa pagbawas ng mga hindi nasiyahan (dissatisfied) sa mga nasiyahan (satisfierd) sa performance ng gobyerno.

At bilang patunay na nakatutok sa pagtulong sa mahihirap nating mga kababayan ang administrasyon, tinitiyak ni PBBM na patuloy sa paglikha ng mga trabaho. Ayon sa December 2023 Labor Force Survey na ipinalabas ng Philippine Statistics Authority, bumaba ang unemployment rate sa 3.1% sa bansa noong Enero.

Ito ay mas mababa kumpara sa 4.3% noong December 2022 at sa 3.6% noong November 2023. Patunay lamang ito na patuloy na lumilikha ng mga trabaho ang administrasyon upang tulungan maiangat ang antas ng pamumuhay ng ating mga kababayan.

Kaya ang hiling natin, lalo na sa mga kritiko ng administrasyon, ay tigilan na ang pang-iintriga, at bagkus ay makipagtulungan para sa mas ikauunlad ng buhay ng bawat Pilipino.

AUTHOR PROFILE