Vendors sa mga kalye sa Blumentritt labo-labong muli
KASABIHAN na sa termino ng kapulisan na kapag ibinigay nila sa mga sidewalk vendors ang kanilang kamay, sasakmalin na rin ng mga ito pati na ang kanilang braso.
Ito marahil ang dahilan kaya’t mahigpit ang tagubilin ni Manila Police District (MPD) Director P/BGen. Leo Francisco sa mga station commanders at mga hepe ng Police Community Precincts (PCP) na bantayang mabuti ang pang-aabuso ng mga sidewalk vendors.
Dito kasi sa lugar ng Sta Cruz na sakop ng Blumentritt PCP, mahigpit na ipinaiiral ang pagbabawal sa pagtitinda sa mismong lansangan ng Blumentritt bagama’t pinagbigyan naman silang makapuwesto at makapagtinda sa mga secondary roads, lalu na ang mga napaalis sa kahabaan ng Antipolo St. nang simulan ang konstruksiyon ng NLEX-SLEX connector road.
Kaya ang malaking bahagi ng mga lansangan ng Oroquieta, Felix Huertas, P. Guevarra at mga eskinita ng M. Hizon at Kalimbas Street mula sa pagitan ng Blumentritt at Antipolo ay ibinigay sa mga vendors upang doon nila maipagpatuloy ang kanilang paghahanapbuhay.
Limitado naman sa Oroquieta at Felix Huertas Sts. ang ibinigay sa mga vendors sa pagitan ng Blumentritt at Cavite St. upang mabuksan ang dalawang linya para sa mga motorista,
Pero nang isarang pansamantala ang bahagi ng Blumentritt mula Rizal Avenue hanggang Oroguieta upang magamit ang naturang lansangan sa konstruksiyon pa rin ng NLEX-SLEXT connector road, sa Oroquieta Street na dumadaan ang mga sasakyan patungo sa Blumenritt area,
Kaya lang, ang dalawang linyang nakatalaga sana para sa mga sasakyan sa Oroquieta St. ay naging isang linya na lang dahil sinakop na ng mga sidewalk vendors ang lansangan.
Anyare P/Lt. Ferdinand Cayabyab? Bakit tila nanlamig yata ang mga tauhan mo sa Blumentritt PCP sa pagbabantay para hindi makapang-abuso mga sidewalk vendors.
Dati kasi, alas-5 pa lang ng madaling araw ay panay na ang pagtaboy sa pamamagitan ng “public address system” ng kapulisan sa Blumentritt PCP sa mga vendors at ilegal na nakaparadang mga sasakyan sa Blumentritt maging mga motorsiklo. Alam ko yan dahil doon ako namamalengke.
Kitang-kita kasi nila sa nakakalat na CCTV kung sino ang lumalabag sa panuntunan at batas-trapiko kaya puro warning muna, gamit ang sistema ng public address, at kapag hindi pa rin natinag, iikutan na sila ng mga tauhan ni Lt. Cayabyab.
Ganyan kasipag noon ang mga tauhan ni Tenyente pero hindi ko alam kung bakit tila nanlamig sila ngayon at hinayaan na ang kabi-kabilang sagabal sa Oroquieta St
Naku Tenyente, kapag hindi pa rin kayo kumilos diyan sa Blumentritt PCP para maayos muli ang nasasakupan ninyong lugar, LAGOT kayo kay Gen. Francisco.
SI P/MAJOR ROMMEL CARCELLAR NG NOVELETA
Sa maikling panahon pa lang ng panunungkulan ni P/Maj. Rommel Carcellar bilang hepe ng pulisya ng bayan ng Noveleta sa lalawigan ng Cavite, malaki na ang kanyang naging ambag sa paglaban sa ilegal na droga bunsod ng maigting na kampanya na kanyang inilunsad laban dito.
Bukod sa ilegal na droga, nakatutok din si Maj. Carcellar sa pagsugpo sa iba’t-ibang uri ng krimen, pati na ang pagdakip sa mga sangkot sa ilegal na sugal at mga lumalabag sa ipinaiiral na health and safety protocols ng pambansang pamahalaan.
Kailangan talagang magpakitang-gilas si Maj. Carcellar upang hindi makasagabal ang mga ilegal na aktibidad sa patuloy na pag-angat ng kabuhayan ng mga mamamayan ng Noveleta sa pamumuno ng kanilang alkalde na si Mayor Dhino Reyes Chua.
Hindi naman kasi maikakaila na kahit sa murang edad ay pumasok na sa larangan ng pulitika si Mayor Chua, naging bantog na ang kanyang pangalan bilang matagumpay na negosyante na humawak ng pinakamataas na posisyon sa isang airline company at nagmay-ari rin ng malalaking hotel sa iba’t-ibang parte ng bansa.
Mula nang mahalal bilang pinakabatang vice mayor ng Cavite City sa edad na 23, nagsimula ng mamayagpag sa larangan ng pulitika si Mayor Chua hanggang mahalal bilang pinakabatang alkalde ng Noveleta sa edad na 35.
Sa dami ng mga accomplishments ng alkalde sa kanyang bayan, hindi malayong magsipag din ang iba pang mga opisyal ng bayan, lalu na siyempre si Maj. Carcellar, kaya puspusan ang kanyang ginagawang kampanya laban sa ilegal na droga at iba pang uri ng kriminalidad.
Kaya lang, sa kabila ng maigting na kampanyang isinusulong ni Maj. Carcellar, mukhang naii-sahan siya nina alyas “Mely” at “Noemi” na wala raw takot na mag-operate ng ilegal na sugal sa naturang bayan, gamit umano ang pangalan ng isang opisyal ng barangay.
Kung hindi matitinag ni Maj. Carcellar ang ilegal na operasyon nina Mely at Noemi, mawawalan ng saysay ang kanyang mga kampanya laban sa ilegal na sugal dahil lalabas na may pinangingilagan ang kapulisan na siyang ayaw na ayaw pa naman ng kanilang alkalde.