Vendor napagkamalang tanod kinuyog ng curfew violator

October 6, 2021 Edd Reyes 231 views

KINUYOG ng hindi pa kilalang mga kalalakihan ang 37-anyos na vendor na umano’y napagkamalang tanod na sumisita sa mga lumalabag sa curfew Lunes ng gabi sa Malabon City.

Kaagad na isinugod sa Tondo Medical Center ang biktimang si Carlos Basia, residente ng Blk. 14, Teacher’s Village, Brgy Longos upang lapatan ng lunas matapos magtamo ng grabeng pinsala sa ulo at katawan sanhi ng mga tinamong saksak sa kanang balikat, palo ng bote at kahoy sa ulo, suntok at sipa sa katawan mula sa grupo ng hindi pa kilalang kalalakihan.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni P/Col. Albert Barot, hepe ng Malabon City Police, lumabas ng bahay ang biktima dakong alas-9:30 ng gabi upang bumili ng milk tea nang masalubong niya ang mga suspek sa kahabaan ng Block 9C, Brgy. Longos.

Narinig pa ng isang residente sa lugar ang pahayag ng isa sa mga suspek ang katagang “Ito yung sumisita sa atin ah” bago sinimulan ng bugbugin at pagpapaluin.

Tumigil lamang sa pambubugbog ang mga suspek nang sigawan sila ng mga residente sa lugar at mabilis na nagpulasan ng takbo patakas.

Iniutos na ni Col. Barot ang pagtugis sa mga suspek na sangkot sa pambubugbog na hinihinalang pawang mga residente rin ng Brgy. Longos.

AUTHOR PROFILE