Default Thumbnail

Vape bill pinaligwak ng mga doktor, grupo

September 5, 2021 Marlon Purification 468 views

IPINABABASURA ng mga doktor ang nakahaing Vape Bill sa Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso dahil umano masyadong maluwag ang panuntunan nito na labis makaaapekto sa mga menor de edad.

Daang bilang na doktor na miyembro ng iba’t ibang medical societies sa bansa ang nagsusulong sa panawagang “Junk the Vape Bil!l”

Ilan sa organisadong grupo ng mga manggagamot ang nananawagan sa Senado at Kamara na ligwakin ang panukalang batas ay ang Philippine Medical Association, Philippine College of Physicians, Philippine Pediatrics Society, Child Neurology Society of the Philippines, Asia-Pacific Center for Evidence-Based Healthcare, Philippine Heart Association; at Philippine College of Chest Physicians.

Nananawagan din sila kay Pangulong Duterte na i-veto ang Vape Bill sakaling maaprubahan ito ng Upper at Lower House

Limang dahilan ang ibinigay ni Dr. Maricar Limpin, president ng Philippine College of Physicians sa kanilang hangarin na harangin ang pagsasabatas ng Vape Bill.

Una rito ay nakasaad sa panukalang batas na pwede nang makabili ng vape cigarettes ang may edad na 18-anyos mula sa orihinal na 21 anyos; ang pagkakaroon ng mas maraming flavors na makahihikayat sa mga murang edad na bumili nito; ang paglipat sa regulasyon ng e-cigarettes sa DTI mula sa FDA; ang pagpayag na magkaroon na rin ng vaping sa mga eskwelahan, ospital at iba pang pampublikong lugar; at ang kawalan ng probisyon na magbabawal sa e-cigarettes na maibenta sa mga di naninigarilyo o non-smokers.

Sinabi pa ni Limpin na mistulang nilulusaw ng Vape Bill ang mahigpit na regulasyon na nakasaad sa Sin Tax Reform Act o RA 11466 na noon lamang nakaraang taon isinabatas.

Itinatakda ng RA 11466 ang regulasyon sa vape at e-cigarettes sa FDA tulad nang maaari lamang itong mabili ng mga nag edad 21 anyos at limitahan lamang ang flavor nito sa simpleng tabako at menthol upang di mahikayat ang mga bata na subukan ito.

“This measure is anti-youth and anti-health, because it puts public health and young consumers at risk at a time when we should be strengthening the health system against COVID-19,” ayon pa kay Dr. Limpin.

Nagbabala rin sina pediatric pulmonologist Dr. Corry Avancena at pediatric neurologist Dr. Kristine Latorre-Medoza na ang mga delikadong kemikal ng vape cigarettes ay makakasira sa immune system at makakaapekto sa brain developments ng mga teenagers.

Sinabi naman ni Dr.Glynna Ong Cabrera, isang pulmonologist na nanggagamot sa mga COVID patients, na kailangang malusog ang baga ng mga tao lalo na ngayong may pamdemya.

Aniya, mas mataas ang posibilidad na kapitan ng COVID-19 ang mga taong naninigarilyo kabilang na ang vape cigarettes dahil pinalalala nito ang comorbidity ng isang tao tulad ng heart attack, sakit sa baga, stroke at kahit cancer.