Vape Bill I-Veto!

January 20, 2022 Ryan Ponce Pacpaco 87 views

Panawagan ng grupo ng mga doktor kay Duterte:

I-VETO ang Vape Bill!” Ito ang nagkakaisang panawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte ng mga grupo ng doktor sa bansa.

Ayon kay UP College of Medicine professor Doctor Tony Dans, malaking banta sa public health ang Vape Bill, dahil hihikayatin nito na malulong sa vapes o e-cigarettes ang mga Pilipino, lalo na ang mga kabataan.

Nakakadismaya umano na nagawa pang unahin ng mga mambabatas ang Vape Bill, sa kabila ng COVID-19 surge at sari-saring problema ng bansa, diin ni Doctor Dans, na convenor din ng Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19.

Aabot na sa 59 medical associations ang nananawagan kay Pangulong Duterte na ibasura ang Vape Bill, ayon pa sa public health expert.

Nangunguna sa mga ito sina Doctor Benito Atienza, pangulo ng Philippine Medical Association; Doctora Maricar Limpin, pangulo ng Philippine College of Physicians; at Doctor Yul Dorotheo, executive director ng Southeast Asia Tobacco Control Alliance.

Sinasabing mapanganib umano ang paggamit ng vapes sa lungs o baga ng tao, babala ng pulmonologist na si Doctora Glynna Cabrera ng Lung Center of the Philippines, at opisyal din ng Philippine College of Chest Physicians.

Iginiit naman ni Dra. Philina Pablo-Villamor, head pulmonologist sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu, baga rin ang pangunahing pinupuntirya ng COVID-19, kaya mas malaki rin ang tsansa ng vape users na mahawa sa gitna ng panibagong surge.

Paalala naman ng pediatric pulmonologist na si Dra. Corry Avanceña, makakaapekto umano ang sari-saring kemikal na laman ng vape juice sa full brain maturity ng mga kabataan kung sila’y malululong sa vapes sa maagang edad.

Babala ng mga doktor, babaligtarin ng Vape Bill ang mahigpit na regulasyon ng gobyerno sa vapes sa ilalim ng Sin Tax Law, na pinangunahang ipasa ni Senadora Pia Cayetano noong taong 2020.

Ibababa ng Vape Bill ang ‘age of access’ sa vapes sa 18 mula sa 21 years old, at papayagan din nitong padamihin ang flavors ng e-cigarettes para hikayatin ang mga kabataan na tangkilikin ito.

Aalisin din ng Vape Bil ang awtoridad ang Food and Drug Administration (FDA) para i-regulate ang vapes o e-cigarettes, at sa halip ay ililipat ito sa Department of Trade Industry (DTI).

Nauna rito ay nagpahayag ng mariing pagkadismasya at panlulumo si Senadora Pia Cayetano na bumoto ng ‘No’ nang ipasa ng Senado ang Vape Bill noong nakaraang Disyembre.

“I am beyond disappointed, I am beyond saddened that the products out there will no longer have at least the regulatory stamp of the FDA,” pahayag ng Senadora.

Inaprubahan na ang bicameral version ng Vape Bill noong Miyerkules, Enero 19. Nakatakda itong ihain para aprubahan ng Senado at Kamara sa susunod na linggo, at isumite sa Pangulo para sa kanyang lagda o veto.

AUTHOR PROFILE