Cayetano Hiniling ni Senadora Pia Cayetano at grupo ng mga doktor na i-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Vape Bill bago ito bumaba sa kanyang pwesto sa Hunyo 30.

Vape bill i-veto — Sen. Pia

June 28, 2022 People's Tonight 264 views

Hiling kay PRRD bago bumaba sa pwesto

DAPAT i-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Vape Bill bago matapos ang kanyang termino sa Hunyo 30.

Ito ang nagkakaisang posisyon nina Senadora Pia Cayetano at isang grupo ng mga doktor na mariing tumututol sa pagsasabatas ng naturang panukala.

Nauna rito ay kinastigo ni Cayetano ang aniya’y transmittal ng Kamara ng enrolled copy ng Vape Bill sa tanggapan ng Pangulo.

Aniya, ang opisyal na submisyon sa Malacañang ay naganap noon lamang Biyernes, Hunyo 24, bagama’t limang buwan na ang lumipas mula nang ipasa ng Senado at Kamara ang bicameral version ng Vape Bill noong Enero 26.

“Kahit maikli na lang ang nalalabing panahon sa panunungkulan ni Pangulong Duterte, umaasa ako na hanggang sa huling saglit ay maninindigan sya para sa kalusugan ng mga Pilipino. Mahal na Pangulo, please veto the Vape Bill,” apela ni Cayetano.

Dagdag naman ni Dra. Maricar Limpin, pangulo ng Philippine College of Surgeons, pahihinain umano nito ang mga regulasyon ng pamahalaan patungkol sa e-cigarettes at vapes sa ilalim ng Sin Tax Law.

Paliwanag ng doktora, tatanggalin ng Vape Bill ang regulatory authority sa e-cigarettes mula sa Food and Drug Administration (FDA) at ililipat ito sa Department of Trade and Industry (DTI), kung kaya’t mawawalan ng ngipin ang gobyerno para epektibong mabantayan ang banta sa kalusugan ng naturang mga produkto.

Ayon pa rin kay Limpin, ibababa ng Vape Bill ang age of access sa e-cigarettes mula sa kasalukuyang 21 tungo sa 18 taong gulang.

Bukod dito, pahihintulutan ng Vape Bill ang pagbebenta ng iba’t ibang vape flavors. Ito’y taliwas sa kasalukuyang regulasyon na naglilimita lang sa dalawang flavors: plain menthol at plain tobacco.

Samantala, sinabi ni Dra. Riza Gonzalez, chairperson ng Philippine Pediatric Society Tobacco Control Advocacy Group, na mga kabataang Pilipino ang tunay na target market ng Vape Bill, kung kaya’t dapat lang itong i-veto ng Pangulo.

“FDA ang dapat maging regulatory body, at dapat ma-implement ang flavor restrictions na attractive sa mga bata,” diin pa nya.

Para naman kay Dr. Ulysses Dorotheo, Executive Director ng Southeast Asia Tobacco Control Alliance, Pilipinas na lang ang tanging bansa sa rehiyon na hindi health department ang nangangasiwa sa regulasyon ng sigarilyo at tobacco products.

Kung kaya’t sang-ayon sya sa pinakahuling desisyon ng Korte Suprema na inilabas noong Hunyo na pumapabor sa FDA bilang regulator sa aspetong pangkalusugan ng sigarilyo.

AUTHOR PROFILE