‘Vape Bill’ dapat ibasura ni Pang. Rody

January 24, 2022 Paul M. Gutierrez 153 views

PaulMARAMI na sa hanay ng ating mga medical professionals ang nagtatanong kung “ano” kaya ang magiging desisyon ni Pangulong Duterte tungkol sa Vape Bill o ang panukala tungkol sa impotasyon, regulasyon, manufacturing, pagbenta, at packaging ng vaporized nicotine and non-nicotine products o ‘vape,’ ang bagong “estilo” ng paninigarilyo ngayon.

Ito ay matapos lumusot sa bicameral conference committee ng Kongreso ang panukala at nakatakda na nga itong lagdaan ni PRRD bilang batas kapag ito’y opisyal nang naipadala sa kanyang tanggapan.

“Nagkakaisa” naman ang iba’t ibang grupo ng mga doctor sa kanilang panawagan kay PRRD na i-veto ang Vape Bill.

Ayon pa kay UP College of Medicine professor Doctor Tony Dans, malaking banta sa public health ang Vape Bill, dahil hihikayatin nito na malulong sa vapes o e-cigarettes ang mga Pilipino, lalo na ang mga kabataan.

Sa ngayon, umaabot na sa 59 medical associations ang nananawagan kay Pang. Rody na ibasura ang Vape Bill, ayon pa kay Dans.

Ilan pa sa kanila ay sa pangunguna ni Dr. Benito Atienza, pangulo ng Philippine Medical Association; Dr. Maricar Limpin, pangulo ng Philippine College of Physicians; at, Dr. Yul Dorotheo, executive director ng Southeast Asia Tobacco Control Alliance.

Pati nga itong si dating Speaker Alan Peter Cayetano ay nag-aalburoto na rin sa pagmamadali ng Kongreso at Senado na isabatas ang Vape Bill samantalang dapat anya ay inuuna ang mga usapin tungkol sa buhay at kabuhayan lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Ang tanong nga ni Cayetano, bakit inuuna ng Kongreso na isabatas ang mga panukala na maitutuing na habit forming kaysa sa mas maigting sanang pagtugon ng gobyerno sa kaliwa’t kanang problemang dulot ng COVID-19?

Nauna rito, hindi rin naitago ni Senador Pia Cayetano ang kanyang pagkadismaya sa pagpasa ng Vape Bill dahil bumoto ito ng “NO’’ nang ipasa ng Senado ang Vape Bill noong nakaraang Disyembre.

Partikular na inirereklamo ni Senator Pia ay ang pagbalewala sa papel ng Food and Drugs Administration o FDA sa pagbusisi at pag-apruba ng vape products.

Sa ilalim kasi ng panukala, ang Department Of Trade and Industry (DTI) ang may “mandato” at gagawin na lang ‘consultant’ ang FDA tungkol sa pagkakaroon ng mga pamantayan tungkol sa e-cigarettes.

Hirit ni dating Speaker Alan Peter Cayetano, :tayo lang sa buong mundo ang sa DTI, hindi sa FDA, inilagay ang regulasyon ng e-cigarettes.’’

Ipinunto naman ni Dra. Philina Pablo-Villamor, head pulmonologist sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu, ang ating mga baga ang pangunahing pinupuntirya ng COVID-19, kaya mas malaki rin ang tsansa ng vape users na magkasakit sa gitna ng panibagong COVID surge. Paalala naman ng pediatric pulmonologist na si Dra. Corry Avanceña, makakaapekto ang sari-saring kemikal na laman ng vape juice sa full brain maturity ng mga kabataan kung sila’y malululong sa vapes sa murang edad.

Babala ng mga doktor, babaligtarin ng Vape Bill ang mahigpit na regulasyon ng gobyerno sa vapes sa ilalim ng Sin Tax Law, na pinangunahang ipasa ni Senadora Pia Cayetano noong taong 2020.

Ibababa ng Vape Bill ang ‘age of access’ sa vapes sa 18 mula sa 21 years old, at papayagan din nitong padamihin ang flavors ng e-cigarettes para hikayatin ang mga kabataan na tangkilikin ito.

Hmm. Kung ano-ano na lang ang inuuna ng ating mga mambabatas.

Sa halip na ang pagtatag ng Department of Disaster Resilience at iba pang panukala tungkol sa mas maigting na COVID response, mas inuna pa ng mga ito ang Vape Bill na maari ding maging ugat ng pagkalulong ng mga kabataan sa naturang produkto.

Sabagay nga, “notoryus” sa pagiging ‘effective lobbyist’ ang industriya ng tabako. At karamihan sa nagsulong nito sa Senado, mga kandidato ulit ngayong halalan.

Kumbaga, “alam na this,” hehehe, ayy, huhuhu!

AUTHOR PROFILE