Default Thumbnail

Van tumagilid, helper pisak sa salansan ng salamin

July 26, 2023 Edd Reyes 282 views

NAPISAK ang katawan ng 58-anyos na helper nang madaganan ng salansan ng mga salamin sa bintana sa loob ng isang container van Martes ng hapon sa Malabon City.

Namatay kaagad ang biktimang si Marcelino Francisco, residente ng 73 Araneta Avenue, Gov. Pascual, Brgy. Potrero at siya ring tumatayong caretaker sa bodega ng kompanyang pinaglilingkuran, sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa katawan matapos madaganan ng mabibigat na salansan ng salamin sa bintana habang nasa loob ng container van.

Sa ulat ni P/SSgt. Rockymar Binayug, may hawak ng kaso, kay Malabon police chief P/Col. Jonathan Tangonan, naganap ang malagim na insidente dakong ala-1:30 ng hapon sa harap ng Nitoo Glass and Aluminum sa 345 M.H. Del Pilar St. Brgy. Maysilo habang dinidiskarga ng mga trabahador ang mga salamin na sa loob ng container van na nakapatong sa trailer.

Nasa loob ng naturang container van ang biktima nang mapansin ng kanyang mga kasamahang trabahador na nagbubuhat ng mga ibinababang mga salamin ang unti-unting pagtagilid ng container van matapos bumaon sa kalsada ang bakal na tukod ng trailer.

Nagtakbuhan palayo ang mga trabahador nang tuluyang tumagilid ang container van habang nabigong makalabas sa loob ang biktima na dahilan upang madaganan at maipit siya ng mga salamin.

May hinala ang pulisya na ang ilang araw na pagbuhos ng malalakas na ulan na dulot ng bagyong Egay ang dahilan ng paglambot ng kalsada kaya’t bumaon ang tukod na bakal ng trailer na naging sanhi ng pagtagilid ng container van.

AUTHOR PROFILE