Van operators humingi ng tulong vs sa panghuhuli

May 14, 2021 Jun I. Legaspi 312 views

TIKLOP luhod ang paghingi ng tulong ng mga van operators, drivers at commuters na bumibiyahe sa National Capital Region, CALABARZON o NCR Bubble.

Ayon kay Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP),sa sulat ng mga company van operators, drivers at commuters maigting na idinaraing ang panghuhuli umano ng Inter-Agency Council for Traffic at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (IACT-LTFRB).

Ayon kay Inton, reklamo ng grupo na sa hindi malaman na kadahilahan, patuloy pa rin ang panghuhuli ng IACT at LTFRB sa grupo nitong mga nakalipas na buwan at habang lumalaon ay walang malinaw na guidelines patungkol sa mga memorandum circular ng LTFRB.

“Naglabas sila ng interim guidelines para sa pandemic sa pamamagitan ng MC 2020-039 at 2021-001. Subalit, ang mga ito ay nag-expire na,” ani ng grupo.

Ayon pa sa sulat ng grupo, sa nilabas nila na MC 2019-003, pinahihintulutan ang isang private vehicle na magserbisyo sa kumpanya sa dalawang kundisyon lamang: mayroon itong kaukulang kontrata sa isang pribadong kumpanya na hindi bababa sa tatlong taon; ito ay esklusibong gamitin at imaneho lamang ng otorisadong drayber o kinatawan ng kumpanya.

“Sa lumipas na panahon, inobliga din nila na magkaroon ng PPAI(Personal Passenger Accident Insurance) at body markings ang bawat sasakyan na nag-seserbisyo sa kumpanya. Ang mga van operators ay agarang tumalima sa kautusan upang makapag-serbisyo ng matiwasay. Ngunit sa lumipas na mga buwan, patuloy pa rin ang panghuhuli at panggigipit sa hanay namin. Nitong nakalipas na mga araw, sinasabi nila na invalid na ang MC 2019-003 ng wala man pinakitang memo o order na nagdulot ng kalituhan at pag-impound ng karamihan sa mga vans. May pagkakataon pa na hinahanapan kami ng shuttle service franchise. Malinaw po sa MC 2019-003 na exempted ang mga private vehicles sa pagkuha ng prangkisa hanggat nasusunod ang dalawang alituntunin,” ayon sa grupo.

“Saan po ba papunta ang aksyong ito? Lalo lang po makakadagdag sa pagka-paralisa ng ating ekonomiya. Nasa NCR at Calabarzon ang sentro ng ating ekonomiya kung saan narito ang malalaking kumpanya, factories, daungan at paliparan. Kami po ay maituturing rin na frontliner na nagbibigay serbisyo upang maihatid ang mga mahahalagang kalakalal, at mga manggagawa ng bawat kumpanya. Sa kasamaang palad, kami po ay higit pa sa ituring na kriminal pag hinuhuli sa daan,” dagdag pa ng grupo.

“Ang mga company van operators, drivers at commuters ay humihingi ng koordinasyon at konsiderasyon sa mga naatasang ahensya ng transportasyon na maging patas lang po ang panghuhuli. Kung mayroon pong tamang dokumentong dala, wag na po sanang hanapan nang kung ano pang dokumento na hindi na po sakop ng Memorandum na MC 2019-003, pakiusap ng mga company operators, drivers at commuters,” saad ni Inton.

AUTHOR PROFILE