Van bumangga, nagpaikot-ikot sa QC, 1 patay, 12 sugatan

March 23, 2022 Melnie Ragasa-limena 178 views

DEAD on the spot ang isang empleyado ng pahayagan habang 12 pa ang sugatan nang bumangga, tumagilid at magpaikot-ikot sa kalye ang sinasakyan nilang pampasaherong UV Express van sa Quezon City, nitong Martes ng gabi.

Kinilala ang nasawi na si Aurora Bulan, artist ng Manila Standard, nasa hustong gulang, at residente ng 54 Natividad St., San Francisco Del Monte, Quezon City, habang nilalapatan na ng lunas sa Quirino Memorial Medical Center ang iba pang pasaherong sina Marian Hernandez, Joseph Erlano, Princess Diane Agohayon, Daisy Mislang, Armie Villarias, Rigelyn Rado, Aileen Joy Agiumatang, Gizelle Marie Hernandez, Reynon Carlos Magallanes, Sandralyn Deuna, at Jona dela Paz, pawang taga-Rizal.

Sugatan rin at ginagamot pa ang driver ng UV Express na si Rhodium Cadiz, ng Block 14, Lot 25, Phase 1, Eastwood Residence, Brgy. San Isidro, Rodriguez, Rizal.

Batay sa ulat ni PCMS Norlan Margallo ng Quezon City Police District (QCPD)-Traffic Sector 3, dakong alas-11:26 ng gabi (March 23) nang maganap ang aksidente sa P. Tuazon Boulevard, kanto ng Kalantaw St., sa Brgy. Bagumbuhay, sa lungsod.

Makikita sa kuha ng CCTV na mabilis ang takbo ng van, na may plakang NAL-7253, habang binabaybay ang kahabaan ng P. Tuazon Boulevard, mula EDSA, patungo ng Katipunan Avenue.

Pagsapit sa naturang lugar ay biglang nawalan ng kontrol ang driver sa sasakyan hanggang bumangga ito sa isang puno at gate ng bahay, bago tuluyang tumagilid at saka nagpaikot-ikot.

Makikita ring tumilapon ang isang pasahero mula sa van at gumapang sa kalsada.

Maya-maya pa ay nagsilabasan na ang mga pasahero mula sa bintana ng van, habang nagtakbuhan naman ang mga residente para rumesponde at tumulong na maisugod ang mga pasahero sa pagamutan.

Wasak ang harapan ng van habang basag din ang windshield, mga salamin at bintana nito.

Ayon sa mga pasahero, kagagaling lang ng van sa terminal sa Cubao at papunta na sana ng Montalban, Rizal nang maganap ang aksidente.