Utang sa kapitbahay tsismis sa buong bgy

August 5, 2022 Tess Lapuz-Lardizabal 140 views

Tess LardizabalIBANG klase din naman itong patutsada ng isang bangko dito sa ating barangay. Nung hindi makasingil sa kanyang pinautang, ipinagkalat sa mga kapitbahay na lugmok sa utang ang kanyang pinautang.

Sa halip na proteksyunan ang imahe at integridad ng pinautang upang ito mismo ay makagawa ng paraan na makaipon ng pambayad, lalo itong malulubog sa kaniyang sitwasyon matapos masiraan ang reputasyon nito dahil sa ipinamalitang hindi daw makabayad ng utang.

Kahit pa nga yung mga Indiyanong naka-motor araw araw na umaaligid sa ating talipapa at nagpapautang, hindi mo ito maririnig na nagkakalat ng tsismis na yung tindera ng alumahan sa karatig tindahan ay hindi nagbabayad ng utang. Samantalang itong Kabise, matalas ang dila.

Maraming paraan para hindi masira ang tiwala at pagsasamahan ng isang nagpapa-utang at nangungutang. Sabi nga, “we find ways”, diba? Pero, hindi kasama sa paraang ito ang tapakan ang pagkatao at yurakan ang integritad ng taong may utang sa iyo. Hindi tama yun! Dapat alam mo iyan sapagkat hindi yan ang itinuro sa iyo ng lolo mong tindero ng step-in sa Binondo.

O baka naman pakana ito ng mga naggagaling-galingang at nagpapa-bibong mga bata ng may-ari? Alam kaya n’ya ito? Malakas ang kutob kong nagalit ang may-aring ito sa mga pabibong tauhan.

Kaya ang payo ko dun sa mga gipit sa buhay at nais na humingi ng tulong pinansyal sa mga bangkong nagpapa-utang, aba, iwas-iwasan ninyo itong bangkong ito na may pagka-Marites. Hindi lang nakabayad pa, siniraan mo na agad-agad?

Kung ako sa iyo, hija, kausapin mo ng maayos itong kapitbahay mong may utang. Hanapan ng TAMANG DAAN kung paano magkakabayaran. At lalong ‘wag ipamalita ang mga negosasyon at usapan.

Huwag Marites, masama yan.