‘Utak’ sa ambush ng NCMH chief arestado

July 12, 2021 Melnie Ragasa-limena 238 views

NADAKIP ng pulisya ang hinihinalang mastermind at driver/body guard nito sa pananambang sa director ng National Center for Mental Health Director (NCMH), sa Quezon City noong July 27, 2020.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) P/BGen. Antonio C. Yarra ang arestadong suspek na si Clarita M. Avila, 65, dating hepe ng Administrative Support Service ng NCMH, at residente ng 25 Oaks St., Blk 6, Phase 1, Woodland Hills, Bgy. Silangan, San Mateo Rizal.

Kusang loob namang sumuko sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) at Intelligence Service Armed Forces of the Philippines (ISAFP) ang driver/ body guard ni Avila na si George Serrano, 57, residente sa NCMH Compound, Nueve De Pebreo St., Mauway, Mandaluyong City, kasama ang kaniyang abogadong si Atty. Crystal Prado.

Si Avila ay unang naaresto nitong nakaraang June 25, bandang alas-11:45 ng umaga sa kaniyang tahanan sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Rochelle Santos Manuel, ng Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) Branch 97 nitong nakaraang June 23.

Pero hindi pa agad inilabas ng QCPD ang pagkakaaresto kina Avila at driver nito dahil isinailalim pa umano sa masusing imbestigasyon.

Magugunitang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng ‘riding-in-tandem’ ang director ng NCMH na si Dr. Roland Luyun Cortez, at personal driver niyang si Ernesto Ponce Dela Cruz, noong July 27, 2020 bandang alas 7:00 ng umaga sa kanto ng Cassanova Drive at Tandang Sora Ave., Brgy. Culiat, QC.

Sa salaysay ng mga nakasaksi, sakay ng motorsiklo ang dalawang salarin at kinatok pa umano ng rider ang pintuan ng sasakyan ni Cortez at nang buksan ay doon na sila pinagbabaril.

Batay sa ulat, posibleng may kinalaman sa trabaho ang pananambang matapos na magpatupad ng mga reporma si Cortez sa NCMH, na nagresulta upang maim­bestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) at masampahan ng kaso si Avila.

Lumalabas na si Avila ay umano’y sangkot sa katiwalian na may kaugnayan sa pagpapatakbo ng food catering gayundin sa clothing at medication procurement sa NCMH.

Patuloy naman na pinaghahanap pa ng QCPD ang isang nakilalang Sonny M. Sandicho na may partisipasyon din umano sa ambush sa NCMH director at driver nito.