Default Thumbnail

Usaping karunungan

February 1, 2023 Allan L. Encarnacion 374 views

Allan EncarnacionMalaki talaga ang problema natin kung usapin ng karunungan ang pag-uusapan.

Habang ang maraming bansa sa buong mundo ay nasa ibang estado na ng kanilang development, dito sa atin, ang iniisip pa rin ng maraming lider ay kung paano nila maipapasa sa kanilang mga anak at kamag-anak ang hawak nilang kapangyarihan.

Ngayon tayo naalarma sa uri ng kalidad ng ating edukasyon dahil nakikita natin ang mga produkto ng ating kapabayaan sa mismong mga mag-aaral at graduates na ating nagigisnan.

Maraming bansa ang nakapokus na kung paano sila makapagpapadala ng tao sa buwan, tayo, ang problema natin ay kung paano makakabasa ang ating mga grade schools.

Ginalaw natin ang sistema ng edukasyon sa pamamagitan ng pagdagdag ng dalawang taon gamit ang K-12 pero hindi natin inihanda ang ating mga pasilidad, hindi natin hinasa ang mga guro. Buwenas ang mga mag-aaral ng Ateneo, La Salle, UP at iba pang premier schools dahil flexible sila kaya mabilis na nakapag-adjust.

Pero kumusta naman kaya ang maraming paaralan, lalo na ang mga public schools? Nang ihulma ang K-12, sinabi nilang job ready na ang mga graduate nito kahit hindi pa college graduate. Ang ending, walang tumatanggap ng K-12 graduate dahil mas gusto pa rin ng mga kompanya ang college graduates.

Dinagdagan natin ng dalawang taon ang basic education pero hindi natin dinagdagan ang kanilang kaalaman. Paano mo naman gagawing empleyado ang mga batang reklamador, ang mga batang uhugin, ang mga batang walang alam sabihin kapag inuutusan kung hindi “wait lang?”

Sirit na, aminin na nating failure ang K-12!

Ngayon ko lang naisip kung bakit ang Pilipinas ay kulelat sa maraming aspeto ng development. Isipin nyo ito mabuti, noong mga 1800s hangang 1900s, habang ang Western countries ay abala sa pagdiskubre ng kuryente, telepono, steam train, elevator at kung anu-ano pang kagamitan ng tao at Japan naman ay gumagawa na ng Toyota cars, iyong mga ninuno natin nag-aaway sa pondo ng Katipunan!

Fast forward, nang mga sumunod na dekada, kapag may mga Pinoy scientist naman ang nakadiskubre ng bagong kagamitan, ang unang gagawin ng kanyang kababayan ay sisiraan hanggang mainis na lang siya at ibenta sa ibang bansa ang kanyang kaalaman.

Higit pa sa kaalaman, ang wala sa atin ay ang sense of patriotism. Wala na tayong malasakit sa ating bayan at wala na tayong malasakit sa ating lahi kaya hanggang ngayon ay miserable pa rin ang maraming aspeto ng ating bansa.

Kung ganito pa rin ang ating sitwasyon sa mga susunod na dekada, mas lalong mangungulelat ang ating bansa at baka nga maunahan na tayo ng Laos, Cambodia, Myanmar at Vietnam!

[email protected]