Lacson

Usapin sa pabahay sa Zambo ipinaabot kay Ping ng dating kasama sa PAOCTF

April 1, 2022 People's Tonight 379 views

MAS tumatag ang plano ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson para masolusyunan ang isyu ng pabahay sa mga mahihirap na Pilipino makaraan ang pagkikita nila ng dati niyang kasamahan sa Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF) na si Kalawit, Zamboanga del Norte Mayor Salvador Antojado, Jr.

Nitong Huwebes (Marso 31) ay bumisita si Lacson sa nasabing bayan at ito rin ang naging oportunidad ng alkalde para ipaabot sa dati nilang boss sa PAOCTF, ang mga problema na kanyang naranasan habang tinutulungan ang pambansang pamahalaan sa implementasyon ng programang ‘Balik Probinsya, Bagong Pag-asa.’

“Prinesent niya (Antojado) sa amin ‘yung kanyang ‘Balik Probinsya,’ ‘yung implementasyon, at ako’y nalulungkot, kasi nakita ko napakaganda ng proyekto. Anong nangyari na? Kulang sa pondo,” sabi ni Lacson sa ginanap na town hall meeting sa bayan ng Kalawit.

“Ang problema kasi sa ating national government, hindi nila alam ano ba ‘yung mga priorities, ano ba ‘yung mga needs ng mga local government unit (LGU), lalo na sa isang malayong bayan na tulad ng Kalawit,” sabi pa ni Lacson.

Ayon kay Lacson, kung ipinaalam umano agad sa kanya ni Antojado ang nasabing problema, agad sana niya itong naaksyunan. “Bakit hindi mo ako pinasyalan sa Senate? Oo, nga wala akong pork barrel pero may magagawa akong paraan para matulungan ang iyong bayan,” saad niya sa alkalde.

Sa kabila nito, sinabi ni Lacson na mayroon pa siyang magagawang paraan at ito ay ang isinusulong niyang Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) program na tiyak na maipatutupad kung siya umano ang papalaring manalo sa presidential elections, upang matulungan ang maliliit bayan tulad ng Kalawit na maipatupad ang kanilang mga proyektong pangkaunlaran.

Agad ding nakipag-ugnayan ang senador kay National Security Adviser Hermogenes Esperon makaraang mabatid na nalinis na ang Kalawit sa mga rebeldeng grupo, na pasok sa kwalipikasyon para makatanggap sila ng P20-milyon mula sa Barangay Development Fund ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

“Agad-agad, kanina tinext ko po si General Esperon—siya ‘yung National Security Adviser na nangangasiwa sa pag-di-distribute ng pondo para sa NTF-ELCAC—at tatanungin ko sa kanya partikular ‘yung Brgy. Poblacion sa Kalawit. Bakit ‘yung P20-million hindi pa dumarating, samantalang approved na ng presidente ‘yung ating national budget for 2022?” ani Lacson.

Nangampanya sa nasabing bayan si Lacson kasama ni dating Mindanao Development Authority (MinDA) chairman Emmanuel ‘Manny’ Piñol at public health advocate na si Dra. Minguita Padilla na tumatakbo bilang senador sa ilalim ng kanilang ticket ng ka-tandem niyang si vice presidentiable Vicente ‘Tito’ Sotto III.

Binisita rin ni Lacson, kasama nina Piñol at Dra. Padilla at ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ang mga housing unit na nakaplanong ipagkaloob para sa mga benepisyaryo ng ‘Balik Probinsya, Bagong Pag-asa’ program sa Kalawit.

Dito nakita ng batikang lingkod-bayan ang malaking pagbabago sa lugar na dating naging pugad ng mga rebelde. Bumilib si Lacson sa pag-unlad na nangyari dito at umaasa siyang masusundan ito ng pagsasaayos sa mga kalsada na hanggang ngayon ay hindi pa nasesementuhan.

Plano ni Lacson na kung siya ang susunod na magiging pangulo, ay mabawasan ang pag-re-repair sa mga kalsada na hindi pa naman talaga lubusang sira at ilipat ang pondo para rito sa mga local road.

“Mayroong pondo sa tinatawag na preventive maintenance. Bilyun-bilyon po ‘yun… Lagi kong kina-cut ‘yon. Sa halip na gawing preventive maintenance o repair ng kalsada, ibigay na lang natin sa local roads. Papunta nga rito, ‘di ba, dirt road ‘yung nadaanan namin. Kung sa halip na i-repair—sayang ang pera sa repairs,“ ani Lacson.

AUTHOR PROFILE