Vlogger

US vlogger pinaniniwalaang pinatay, itinapon sa dagat

December 5, 2024 Zaida I. Delos Reyes 276 views

PINANINIWALAANG pinatay at itinapon na sa dagat ang katawan ng American  vlogger na si Elliot Eastman noong gabi na siya ay dinukot sa kanyang bahay sa  Sibuco , Zamboanga del  Norte noong October 17,2024.

Ayon kay Police Regional Office  o  PRO-9 spokesperson  Police Lt. Colonel  Ramoncelio Sawan,  binaril ng dalawang beses ang biktima nang tangkain nitong manlaban sa mga kidnappers.

Siya ay pinaniniwalaang nawalan ng buhay habang lulan ng bangkang de motor na  sinasakyan ng mga ito papatakas kaya’t inihulog na lamang ang kanyang katawan sa dagat.

Sa ngayon, hindi pa rin matagpuan ang katawan ng biktima.

Sinampahan na rin ng kasong kidnapping at serious illegal detention ng PNP- PRO9 ang apat na suspects  na dumukot sa biktima.

Matatandaan na noong November 18,2024, isa sa mga suspects ang naaresto ng mga tauhan ng Critical Incident Management Task Group  Eastman.

Patuloy naman ang ginagawang pagtugis ng mga awtoridad sa  natitira pang mga suspects.