Feliciano

Urban Poor Solidarity Week ipagdiriwang ng PCUP Dec. 7

December 3, 2021 Jun I. Legaspi 304 views

NAKAHANDA na ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa pagdiriwang nito ng Urban Poor Solidarity Week (UPSW) sa darating na Disyembre 7, 2021 na gaganapin via Zoom.

Tampok sa gawaing ito ang pagsasama-sama ng mga urban poor leaders mula sa NCR, Luzon, Visayas at Mindanao maging sa mga resettlement sites sa buong panig ng bansa.

Ang taunang selebrasyong ito ay may temang,”Ika-35 Taon ng Makabuluhang Paglilingkod; Malasakit, Kaisa’t Kaagapay ng Maralita” alinsunod sa Proclamation No. 367, na nagdedeklara sa Disyembre 2 hanggang 8 ng bawat taon bilang Urban Poor Solidarity Week na naglalayon na mas mapagtibay pa ang ugnayan ng mga maralitang tagalungsod patungo sa mga ahensya ng gobyerno at mga non-government organizations.

Ayon kay PCUP Chairperson at CEO Usec. Alvin S. Feliciano, ninanais ng Komisyon na magsilbing kaagapay ng maralitang sektor na magaangat sa kanila sa kahirapan at maghahandog ng pag-asa sa kabila ng kinakaharap na krisis ng bansa.

Isa rin sa mga highlight ng selebrasyon ay ang paglulunsad ng Urban Poor Privilege Card o UPPC na magsisilbing discount card ng mga maralita para sa mga basic goods at services na maari nilang ma-avail sa pinakamurang halaga. Layunin ng Urban Poor Privilege Card na tulungan ang mga lehitimong maralitang tagalungsod na mapakinabangan at maka-akses sa iba’t-ibang pangunahing serbisyo, pampubliko man o pribado, sa pamamagitan ng pagbibigay ng diskwento tulad ng internet loads, discount sa mga health care services at gamot, remittances, sa edukasyon, pamasahe, pagkain, maging sa aspeto ng burial services.

Naging posible ang programang ito sa pamamagitan ng pakikipag partner at paglalagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ng Komisyon sa iba’t ibang ahensya at pribadong kompanya tulad ng TESDA, JK2L2, APFC (FastCat), Carl E. Balita Review Center, at marami pang iba.

“Narito lamang po ang PCUP kaisa ang buong pwersa ng gobyerno na aagapay upang mapaunlad ang kalidad ng inyong mga buhay,” ani ni Usec. Feliciano.

Bukod sa mga nabanggit, tuloy-tuloy pa rin ang pagsipa ng mga programa at serbisyo ng PCUP tulad ng Three Priority Programs na PCUP Mini Caravan, Adopt An Urban Poor Community, maging ang Food, Health, Scholarship, at Accreditation Caravans para sa kapakinabangan ng maralitang tagalungsod.

Ang programa ay opisyal na magsisimula sa ganap na ika-1:00 hanggang 4:00ng hapon na puwedeng mapanood via Facebook live sa PCUP Official Facebook page: https://www.facebook.com/PCUPOfficial.

AUTHOR PROFILE