UP prof inaresto!
INARESTO ng mga tauhan ng Criminal Investigation Group ng Philippine National Police (CIDG-PNP) si professor Melania Lagahit Flores, sa kanyang tahanan sa loob ng University of the Philippines Diliman campus sa Quezon City, Lunes ng umaga.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU QCPD), bandang 11:45 a.m. (February 6), nang arestuhin si Flores, 58, UP professor sa kaniyang tahanan sa No. 45 Gomburza St. UP Campus, Quezon City.
Inaresto si Flores ng mga operatiba ng Warrant Section sa pamumuno ni PCaptain Armando N Penaflor, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Maria Gilda T. Loja Pangalinan, ng branch 230 ng QC Regional Trial Court (RTC), sa kasong paglabag sa Social Security Law.
Si Flores ay faculty member ng Department of Filipino at Philippine Literature sa UP Diliman at katatapos lamang ng kanyang termino bilang national president ng lahat ng UP Academic Employees Union nitong February 3, 2023.
Siya ay National Council member rin ng Alliance of Concerned Teachers.
Kaugnay nito, kinondena at nagsagawa naman ng kilos protesta ang mga progresibong grupo sa harap ng Kampo Karingal upang kondenahin at ipanawagan ang pagpapalaya sa propesor.
Ayon sa militanteng grupo, nalabag umano ang UP-DILG Accord of 1992 dahil nagpanggap na mga tauhan ng Department of Social Work and Development (DSWD) ang mga pulis na umaresto kay Flores.
“The arrest of Prof. Flores is an abominable attack by state security forces against teacher and union leader Professor Flores to harass and intimidate her and violate her basic rights. This only comes as the latest in the long record of brazen attacks by state security forces against teachers and unionists, as has been established by the High-Level Tripartite Mission conducted by the International Labor Organization last January 23-26, 2023 to investigate on trade union repression,” pahayag ng Alliance of Concerned Teachers-Philipinnes.
“We demand the immediate release of Prof. Melania Flores from detention! We demand accountability for the gross violations of the CIDG-PNP on the rights of Prof. Flores and on the UP-DILG Accord!,” apela pa ng grupo.