Aga Aga Muhlach

‘Uninvited’ bakit malakas pa rin kahit kulang sa nominasyon

December 29, 2024 Eugene E. Asis 212 views
Vilma
Vilma Santos

HINDI nominated bilang best actor si Aga Muhlach at bilang best director si Dan Villegas sa nakaraang Gabi ng Parangal ng 2024 Metro Manila Film Festival para sa pelikulang ‘Uninvited’ ng Mentorque Productions at Project 8 Projects, na ni-release pa ng Warner Bros. Philippines..

Bida rito si Vilma Santos na nominated naman bilang best actress, at si Nadine Lustre bilang best supporting actress.

Pero pareho silang natalo nina Judy Ann Santos (best actress para sa ‘(Espantaho’) at ang ‘di popular na aktres at singer na si Kakki Teodoro (best supporting actress para sa ‘Isang Himala’).

Mahirap maipaliwanag nang maayos at lubos na paniwalaan ng isang nasa labas ng paghuhusga (judgment) sa pelikula ang ganitong desisyon.

Pero kapag naranasan mo ito, kahit paano ay makapagbibigay ka ng kaunting liwanag. Una, naging bahagi kami ng lupon ng mga hurado ng Metro Manila Film Festival maraming taon na ang nakararaan (kung saan naging chairman namin ang mahusay na producer, aktres at singer na si Armida ‘Tita Midz’ Siguion Reyna). Nang taong iyon, wala kaming napiling best picture kaya walang nominadong best pictrure. Natural, may mga umangal. Pero paano ka maglalagay ng best picture kung wala ka talagang mapili sa mga kalahok?

Pangalawa, kahit kami, hindi namin makita ang dahilan kung bakit kailangang i-nominate si Aga bilang best actor, kung titingnang mabuti ang papel niya sa pelikula. Hindi siya ang lead actor, at hindi rin siya maituturing na supporting actor. At sa komersiyalismong paningin, bagama’t mahirap kuwestiyunin ang husay niya, tila hindi (pa) akma si Aga sa ganitong karakter. Ang paglabas sa de-kahong pagganap ay dapat pinag-aaralang mabuti. Mahirap lumundag na nakapiring ang mga mata. Pero ‘yun nga, dahil sa husay ni Aga, nailabas niya ang gustong mangyari ng direktor. O baka higit pa. Nakulangan lamang kami sa sikolohiyang pagpapaliwanag sa kanyang karakter, o kung saan ba ito nanggaling. Kung meron nito, baka sakaling maikonsidera si Aga bilang best actor.

Sa mga hindi matanggap ang ganitong paliwanag, maaari silang umasa sa ibang award-giving bodies na may iba ring pananaw sa pagsusuri ng pelikula.

Ang pinakaangkop na papel ay napunta kay Nadine Lustre. Hulmado ang karakter niya bilang anak ni Aga at lubos na naipaliwanag kung bakit labis ang pagkamuhi niya sa ama.

Ang mga maliliit na papel ay mahusay na nagampanan ng bawa’t isang kasama sa pelikula. Isa itong ensemble acting, mula kina Gabby Padilla at Elijah Canlas, gayundin kina Mylene Dizon (na kahit iilan lamang ang eksena ay nakipagsabayan kay Ate Vi), Tirso Cruz III, Lotlot de Leon, RK Bagatsing, Cholo Barretto, Ketchup Eusebio, Gio Alvarez, Ron Alvarez at Nonie Buencamino.

Kaya naman, patuloy na pinanonood ang naturang pelikula dahil bukod sa mahuhusay ang mga artista, maganda ang cinematography, at sa totoo lang, marami pa ring fans si Ate Vi. At talaga namang nakagigigil ang mga eksena ng Star For All Seasons habang isinasagawa niya ang paghihiganti para sa anak (Gabby Padilla) na ni-rape na, pinatay pa. May mga eksenang alam mong hinango sa isang tunay na pangyayari, pero sa kabuuan ay ibang-iba naman ito pati na kung paano nawala sa mundo ang mga may kagagawan ng naturang krimen. At hinabi ito na may mga ibang karakter na dahilan upang mailayo ang kuwento sa halos kaparehong pangyayari, at nakatayo naman sa sariling merito.

AUTHOR PROFILE