Uniformed discount sa students, seniors, PWDs hiling ng transport group
NANAWAGAN ang Coalition of Filipino Commuters (CFC) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magpatupad ng pantay-pantay na diskwento na itinakda ng pamahalaan para sa mga estudyante, senior citizen at persons with disabilities (PWD) sa lahat ng ride-hailing platforms o Transport Networking Companies (TNCs).
Tugon ng CFC ang panawagan sa uniformed discount sa maraming ulat mula sa mga pasaherong naghayag ng kanilang hinaing, pati na rin sa paglaganap ng mga post sa social media.
May mga platform umano na hindi nag-aalok ng diskwento sa kanilang app na malinaw na paglabag sa batas at pagsasamantala sa mga komyuter.
Binigyang-diin ng CFC na ang kawalan ng standardisasyon at maayos na pagsubaybay sa pagpapatupad ng mga diskwento nagdudulot ng mas malaking hamon para sa mga estudyante, senior citizen at PWD na makuha ang kanilang benepisyo.
Bukod dito, ang kawalan ng pagkakapareho sa pagpapatupad hindi lamang nagpapahina sa layuning makapagbigay ng pinansyal na ginhawa at nagiging sanhi ng komplikasyon sa proseso ng beripikasyon na maaaring humantong sa pandaraya na posibleng makaapekto sa kita ng mga tsuper.
Habang patuloy na tumataas ang popularidad ng digital ride-hailing sa Pilipinas, binibigyang-diin ng CFC ang agarang pangangailangan na masusing suriin ng LTFRB ang lahat ng ride-hailing platforms.
Sa pangunguna ng LTFRB sa standardisasyon ng aplikasyon ng mga diskwento, maipapakita ang patas na access sa mga itinakdang diskwento at maipagtatanggol ang karapatan ng mga Pilipinong komyuter.