Underpaid ang mga titser
LUMALABAS sa ginawang survey ng Pulse Asia na 50 porsiyento ng mga Pilipino ang naniniwalang underpaid o kulang ang sinasahod ng mga guro na nagtuturo sa pampublikong paaralan sa Pilipinas.
Samantala, nasa 37 porsiyento naman ang naniniwala na sapat ang kanilang sahod at may tatlong porsiyento ang nagsasabing mataas ang kanilang sinasahod. Nasa 10 porsiyento naman ang undecided.
Hindi naman siguro nakakagulat ang naging resulta ng survey na ito dahil alam naman natin ang kalagayan ng mga pampublikong guro. Talaga pong sakripisyo ang kanilang ginagawa sa araw-araw.
Simple lamang po, wala pong yumayaman na teacher. Ang meron po tayo ay mga teacher na nagtitinda sa loob ng klasrum para lamang may ipandagdag sa kanilang kinikita. Yan po ang katotohanan. Kapag retiro umaasa lamang sila sa makukuhang kakarampot na benepisyo na ibibigay sa kanila.
Alam po natin ang hirap na mayroon ang ating mga guro. Nagtuturo sa siksikan at mainit na klasrum dahil wala naman pong air-conditioned na classroom. Mag-ayos ng mga lesson, mag-check ng papel, gumawa ng mga gawain na hindi related sa pagtuturo. Gumagawa ng clerical works sa eskwela. Minsan pati paglilinis ginagawa na rin nila.
Pati tuwing eleksiyon sila ang nagiging takbuhan. At alam naman natin na madaling araw pa lamang sa araw ng eleksiyon hanggang gabi sila ang madalas na inaaway ng mga tao kapag may aberya at hindi ang Smartmatic o Comelec. ‘Matic nasa mga guro ang sisi.
Sa dami ng kanilang mga nagiging trabaho at kikita lamang ng nasa P25,000 ang entry level na guro kada buwan na mababawasan pa ng kung anu-anong kailangang ikaltas, hindi po nagiging magandang propesyon ang guro kung ganoon.
Kung ikukumpara po natin ito sa ibang bansa gaya ng Indonesia nasa P66,000 kada buwan ang kinikita ng mga guro doon. Mas lalong mataas sa Japan na maaaring umabot sa P110,000 ang kada buwan ng isang guro.
Hindi malayo na mas pipiliin ng mga bagong graduates ang doon magturo sa ibang bansa. Ang resulta, yung mga magagaling na guro dapat natin ay doon napupunta. Tapos nagkukulang tayo ng mga mahuhusay na teacher. Magugulat pa ba tayo kung bakit nagiging mababa ang performance ng ating mga estudyante?
Ang mga guro po natin ay may pamilya ding binubuhay. May mga anak din na pinapag-aral. May ipinapagamot. Yung iba dyan mga may edad na may mga maintenance na nakailangan. Hindi po kalabisan sa tingin natin ang kanilang hinihiling.
Naniniwala tayo na may pangangailangang taasan na talaga ang mga suweldo ng ating mga guro. Bagamat may inahaing panukalang batas si Senator Sherwin Gatchalian para sa pagtaas ng mga guro, gaano ito magiging prayoridad ng Kongreso at Senado?
Sana kung gaano kabilis noon madoble ang sahod ng mga pulis at sundalo noong nakaraang administrasyon Duterte, sana ay ganoon din kabilis tumaas ang sahod ng mga guro ngayong bagong administrasyong Marcos.