Supporters ni ‘Sen. Guillor’ patuloy na dumadami

December 4, 2021 Marlon Purification 47 views

Marlon PurificationNATUTUWA tayo sa kandidatura ni dating PNP chief Guillermo ‘Guillor’ Eleazar.

Habang papalapit kasi ang pormal na umpisa ng kampanyahan, dumarami ang nagpapahayag ng suporta sa dating heneral.

Ako mismo at ilang kasamahan sa media ay umaasang mananalo si Guillor na kandidato ngayon sa pagkasenador sa ilalim ng tambalang Ping Lacson at Tito Sotto.

Kilala kasi natin ang kalidad ni Guillor. Matalino ito, masipag, mabait, istrikto at sinsero sa pagganap ng trabaho.

Mismong sina Lacson at Sotto ay nagsabing malaking bagay si Guillor sakaling manalo ito sa pagkasenador.

Marami itong maisusumiteng panukalang batas na may kinalaman sa pangangailangan ng mga pulis at military, gayundin ang para sa peace and order ng bansa.

Kamakailan, mismong si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ay nagpahayag ng suporta para kay Guiilor.

Tulad natin, umaasa rin si Locsin na mananalo sa senatorial race ang dating hepe ng pambansang pulisya.

Ani Locsin, panalo ang bansa sa pagpasok ni Eleazar sa politika dahil sa planong pagsulong ng retiradong heneral ng mga reporma sa PNP gayon na rin sa buong bansa.

“I won’t wish you luck Gen. Eleazar. The victory of a man of your quality shouldn’t be left to luck. I wish our country luck that you win,” ani Locsin.

“You showed it can be done: Police power as it should be to achieve its purpose of public’s security and society’s peace,” dugtong pa ni Locsin na dati ring mamamahayag.

Bukod kay Locsin, nagbigay-suporta rin sa pagtakbo ni Eleazar ang mga Pinoy mula sa lahat ng antas ng pamumuhay, kabilang na ang mga pamilya ng mga biktima ng tinatawag na extrajudicial killings at mga grupo ng mga operator at tsuper ng mga pampublikong sasakyan.

Suportado rin ng mga bumubuo ng General Eleazar’s Media Friends ang kandidatura ng pambato ng Partido Reporma.

Sinabi ni Eleazar na nagdesisyon siyang pasukin ang politika dahil: “Napakadaling sabihin na kaya gusto kong tumakbo ay para makatulong sa ating mga kababayan at ipagpatuloy ang pagsisilbi bilang lingkod bayan. But for me, it all boils down into the deep connection between the real motivation and the capability to deliver from that motivation.”

Sa Pebrero pa ang umpisa ng pormal na kampanyahan kaya masasabi nating medyo malayo pa ito.

Basta dagdag sipag pa Sir Guillor para malaman ng taumbayan kung bakit kailangan kang iluklok sa Senado.

Goodluck sa iyo, Kaibigan!