EB

Unang sultada ng bagong ‘Eat Bulaga,’ tinuligsa

June 6, 2023 Eugene E. Asis 277 views

PARANG mall show lang. O piyestahan. Yan ang komento ng maraming netizens sa unang pagtatanghal ng noon time show na ‘Eat Bulaga’ na wala na ang Tito, Vic and Joey at ang Dabarkads bilang hosts.

Bagama’t ginagamit pa rin nila ang salitang Dabarkads, tila hindi ito umaakma sa mga bagong host dahil nakatatak na ito sa mga datihan nang nakikita sa show.

Kasama sa mga bagong host sina Paolo Contis, Betong Sumaya, Buboy Villar, Mavy and Cassie Legaspi, Alexa Miro at grupong XOXO. Napabalitang kasama pa rin ang Bida Next winner na si Carren Eistrup pero wala ito sa show.

Marami ang nag-comment na ilan sa mga ito ay may negative image. May mga hindi rin nagkagusto sa pagiging sobrang hyper ni Buboy na tila gustong sapawan ang lahat ng mga kasama.

Samantala, patuloy ang pagsasalita ni dating senador Tito Sotto tungkol sa kanilang posisyon sa paggamit ng titulong ‘Eat Bulaga’ na iginigiit niyang pagmamay-ari ng lumikha nito (Joey de Leon) at nila bilang pangunahing mukha ng naturang show. Ang punto niya, hindi na dapat pinakialaman ng mga bagong namumuno (Jalosjos children) ang show at ipaubaya na lamang sa dating nagpapatakbo nito (Tony Tuviera and company) dahil maayos naman ito. Hindi rin naniniwala si Tito Sen na nalulugi ang show dahil nakikita niya na sapat ang commercial loads nito para sabihing patuloy itong nag-aakyat ng salapi sa kaban ng mga Jalosjos.

Walang tuwirang sinabi si Tito Sen kung nagsampa na sila ng kaso laban sa bagong pamunuan ng TAPE Inc. hinggil sa paghahabol nila sa titulo ng programa, pero maliwanag na kumunsulta na sila sa isang kilalang abogado (Divina Law Offices).

Hindi rin tuwirang sinabi ni Tito Sen na kung muling magsasama-sama sa isang noontime show ang kanilang grupo na nag-resign sa dating ‘Eat Bulaga’ ay ito pa rin ang gagamitin nilang titulo (na magiging isang tunay na malaking usapin), at kung saang TV network ito magaganap. Gayunman, sinabi niyang malamang na maganap ito sa Hulyo ng taong ito.

Ang ilan pang paglilinaw sa bagong ‘Eat Bulaga,’ hindi totoong inalok ng mga Jalosjos si Willie Revillame para maging main host nito, at hindi rin maaring sumama si Kuya Kim Atienza na pangunahing host sa sinusundan nitong showsa GMA7, ang ‘Ticktoclock’.

Ayon naman kay Paolo Contis, bigyan sana sila ng pagkakataon dahil wala naman silang intensyong masama kundi ang makapagtrabaho lang at makapagpasaya ng mga tao.

Walang kuwestyon sa salitang makapagtrabaho, pero ang makapagpasaya ay isang malaking tandang pananong pa.

AUTHOR PROFILE