Bong

Umento pakikinabang ng mahihirap, nagugutom

February 23, 2024 People's Tonight 91 views

IGINIIT ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na ang P100 umento sa minimum na sahod sa buong bansa ay pakikinabangan ng mahihirap at nagugutom sa gitna ng pagtaas presyo ng mga bilihin.

Sa ambush interview matapos dumalo sa 104th Founding Anniversary ng Marinduque, ipinaliwanag ni Go na ang Senate Bill No. 2534 na naipasa sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ay nananatiling panukala hanggang hindi naipapasa ng mababang kapulungan at hindi inaaprubahan ng Pangulo.

Isa si Go sa co-author at co-sponsor ng nasabing panukala sa Senado.

Umaasa si Go sa mga kapwa mambabatas at sa gobyerno sa kabuuan na susuportahan ang panukalang makatutulong sa pag-angat ng kalagayan ng mahihirap.

Nanawagan din siya sa mayayaman na bahagi ng lipunan na suportahan ang panukala para tulungan ang mga ordinaryong manggagawa, lalo ang mga may problema sa pinansyal.

“Kung magiging batas po ito, nananawagan po ako sa mga mayayaman. Kung hindi naman po kayo malulugi, ipamahagi n’yo naman po ang kaunting tulong na ito dahil ang makikinabang dito ay ‘yung isang kahig, isang tuka,” hiling ni Go.

Binanggit ni Go na ang P100 wage hike ay makatutulong sa mga manggagawa na makayanan ang kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya at ang pagtaas ng halaga ng pamumuhay dahil sa iba’t ibang salik tulad ng inflation.

AUTHOR PROFILE