Crime

UMAWAT, SINAKSAK, PATAY!

June 20, 2023 Zaida I. Delos Reyes 322 views

PATAY ang isang 32-anyos na pipe fitter matapos pagsasasaksakin ng lalaking inawat nito sa pagwawala Lunes ng gabi sa Barangay San Roque, Bauan, Batangas.

Nakilala ang biktima na si Vien Amurao, residente ng lugar.

Ang biktima na nagtamo ng tama ng saksak sa kaliwang bahagi ng dibdib ay nasawi habang itinatakbo sa Bauan Doctors Hospital.

Pinaghahanap ang suspect na si Jomar Castro alyas Boknoy, 29 at residente ng naturang lugar na mabilis na tumakas patungong bayan ng Mabini.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong 11:45 ng gabi ay nakikipag-inuman ang biktima sa kanyang mga kaibigan kabilang ang tatay ng suspect na si Jose Castor nang biglang lumapit ang suspect na may dalang patalim.

Agad na nilapitan ni Castor ang anak at pinayuhang itabi o itago na ang patalim dahilan upang mag-talo ang mag-ama.

Sa puntong ito, lumapit ang biktima at kinausap din ang suspect na nagwawala na. Binalak ng biktima na hingiin ang patalim subalit isinaksak ito sa kanyang dibdib ng suspect.

Matapos ang insidente ay tumakas ang suspect habang isinugod naman sa pagamutan ang biktima subalit hindi na ito umabot ng buhay.