Umararo sa 11 sasakyan sa Mandaluyong lagot sa LTO

January 11, 2023 Jun I. Legaspi 138 views

NAGPALABAS na ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa may-ari at drayber ng SUV na umararo sa tinatayang 11 sasakyan sa One San Miguel Avenue, Barangay Wack Wack, Mandaluyong City.

Ipinahaharap ang may-ari ng SUV gayundin ang dalawang sinasabing drayber sa tanggapan ng LTO Intelligence and Investigation Division (IID) sa East Avenue, Quezon City sa darating na Enero 16, alas-dos ng hapon.

Pinagsusumite rin ng LTO ng paliwanag ang dalawang drayber ng SUV hinggil sa kung bakit hindi sila dapat na madiin sa kasong reckless driving at kung bakit hindi kailangang mabawi ang driver’s license ng mga ito bunsod ng pagiging improper person to operate a motor vehicle.

Kaugnay nito, iniutos na rin ng IID ang suspensyon ng 90-araw at pagsusuko ng lisensya ng dalawang drayber upang hindi makapagmaneho ang mga ito habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

“Failure to surrender their driver’s licenses as required, any motor vehicle driven by them shall cause its impounding thereof,” saad ng isang pahinang Order na pirmado ni IID Officer-in-Charge Renante Melitante.

Tinatayang 13 drayber at pasahero ang nasugatan matapos na araruhin ng SUV ang 12 nakahimpil na sasakyan matapos munang sumalpok sa isang poste sa center island ng One San Miguel Avenue.

“Ang insidenteng ito sa Mandaluyong City ay patunay lang ng pangangailangan na natitiyak na hindi tayo dumaraan sa shortcut kapag kumukuha ng lisensya at kung nagpaparehistro ng sasakyan,” diin ni LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo “JayArt” Tugade.

“Importante na ang mga kuwalipikadong drayber lang ang mabibigyan ng lisensya at na-iinspeksyon ng mabuti ang sasakyan kung roadworthy o ligtas at pasado sa pamantanyan para ito makabiyahe,” dagdag ng LTO chief.

AUTHOR PROFILE