‘Ugaling asal’

April 20, 2022 Allan L. Encarnacion 260 views

Allan EncarnacionMADALAS naming napag-uusapan sa bahay kung bakit may mga taong masama ang ugali. Iyon bang hindi naman mahirap makita ang borderline sa pagitan ng masama at ng mabuti pero mas ginugusto pa rin ng iba ng maging “ugaling asal.”

Maraming factor kung bakit magiging masama ang ugali ng isang bata. Una. karaniwang padron ng mga bata ay ang ugali ng kanilang mga magulang, pangalawa, puwede ring humugot ang bata ng masamang ugali sa mga lolo at lola, pangatlo, posible ring makakuha ng ugali ang mga bata sa kanilang mga tiyuhin at tiyahin na kasama sa loob ng bahay o kasama sa isang compound.

Iyong pagkuha ng masamang ugali sa mga kalaro at sa komunidad, last line of virus na iyon. Ibig sabihin, bago sila nakakuha ng masamang ugali sa labas, doon muna nila sa loob ng bahay napitas iyon.

Walang gender, walang economic status at walang kulay ang pagiging masamang ugali. Hindi naman built-in ang bad characters ng isang tao. Katulad din yan ng ibang sakit, acquired yan or nakukuha. Pero kung maayos ang buong paligid mo, mabuti ang mga magulang mo, mabuti ang mga lolo’t lola mo pati na ang mga tiyuhin at tiyahin mo, at lumaki ka pa ring masama ang ugali, sa dugo at sa utak na ang problema.

Iyong sinasabi kong walang kinalaman ang status sa buhay ng pagkakaroon ng masamang ugali ay totoo naman. Ang mga masasama ang ugali ay mayroon sa ultra-rich, rich, nasa upper middle class, nasa middle class, nasa average at naroon din sa ibang walang-wala.

Nakasama ko na ang lahat ng uri ng tao na nasa iba’t ibang economic status ang buhay. Sa totohanan, mas masarap kasama iyong mga mahihirap na mabubuting tao. Parang mas palagay akong kasama iyong mga nasa lower middle class, iyong mga nasa kanto-kanto dahil sila talaga iyong kahit isang gatang na lang ang bigas, ipagsasaing ka pa para magkasalu-salo kayo.

Iba rin naman iyong pamilya na mabubuti noon pero nang makibili ng Sony stereo at 42 inches na TV, naging masama na ang ugali.

In fairness naman, may mga ultra-rich din naman tayong kaibigan na puwede nating sabihing mabubuting tao rin. Medyo nakakailang lamang kumilos sa mga bahay ng super – yayaman kong kaibigan kasi unang-una, sobrang tahimik, ultimo mahuhulog na karayum ay maririnig mo sa katahimikan.

Tapos hindi ka makakain na parang “lamon” na ginawa mo sa middle class kasi mahihina lang sila kumain! Magmumukha kang “kalatog-pinggan.”

Maging sa mga edukado at mga walang natapos, hindi mo rin matutukoy dahil mayroon din mabubuti at masamang ugali sa kanila. Kaya nga maganda rin minsan pag-aralan ang behavioral science dahil doon ka magiging sensitibo sa pakiramamdam ng iba.

Wala naman talagang perkpektong nilalang, lahat naman tayo ay may “share of bad lights” paminsan-minsan. Pero hindi iyong asal-hayup na tulad ng iba na talagang magtataka ka sa ugali.

Kaya sa aming bahay, hindi ako nakakalimot magpaalala sa aking mga anak at misis na walang dahilan para magkaroon pa sila ng masamang ugali dahil sa mga blessings na nasa kanila.

Mas malaking effort ang kailangan mo kapag naging masama ang ugali mo kasi ma-stress ka na, maagang kukulubot ang balat mo, dadami ang puting buhok at palagi kang napag-usapan ng mga tao sa paligid mo.

Magulo na ang mundo, at least kung mabuti kang tao, payapa naman ang isip mo.

allanpunglo@gmail.com