‘TVJ,’ ’di pag-aari nina Tito, Vic at Joey
Kung si Joey de Leon ang tatanungin, ayaw niyang gamitin ang TVJ sa title ng kanilang noontime show sa TV5 kung sakaling hindi nila gagamitin ang titulong Eat Bulaga.
Sa latest interview with Julius Babao, inamin ni Joey na nag-iisip na sila ng bagong title if ever. Marami rin daw silang suggestions na natatanggap.
“Maraming sumasali ngayon, ang sarap nga pa-contest,” sey niya.
Hirit naman ni Julius, “Nagpapa-contest kami sa show namin. Actually, hindi contest. Katuwaan na humihingi kami ng suggestions.”
Ang common title suggestion daw na natatangap nina Julius ay TVJ and the Dabarkads.
Pero ayaw ni Joey dahil ginawa na raw nila ito.
“Ayoko ng pangalan namin. Kasi, ginawa na namin ‘yan, eh. Alam mo ang nangyari? Ano ang Bulaga? The longest running blah blah blah. Kami rin ang holder, kami rin ang may hawak ng the shortest running TV show, one episode,” tsika niya.
Ang title raw nito ay TVJ on 5 na umere sa Channel 5 for one episode hindi dahil walang nanood kundi nakarehistro pala ang pangalang TVJ sa ibang tao.
“Secretly, ‘yung producer, si Balaguer, Balaguer ‘ata pangalan, nirehistro niya ‘yung TVJ so, wala sa amin. So, inano kami, nu’ng nag-air kami, one episode, pinatigil,” kwento ni Joey.
Ang naisip naman ni Joey na bagong title ay This is NOT Eat Bulaga (But This Is IT). Kaso, mahaba raw.
Asked kung final na ‘yon, ani Joey, hindi pa dahil nga ipinaglalaban pa nila ang title na Eat Bulaga.
“Well, we’ll see, malapit na ang paghuhukom,” sabi ni Joey.