TVJ

TVJ and company, nagpaalam na sa ‘Eat Bulaga’

May 31, 2023 Eugene E. Asis 446 views

NAGPAALAM na kahapon, May 31, 2023, sina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon o mas kilala bilang Tito, Vic and Joey sa ‘Eat Bulaga’ viewers.

Idinaan nila ito sa Youtube Channel ng programa.

Ayon kay dating senador Sotto, na kilala sa tawag na Tito Sen, hindi na sila pinayagang mag-air ng live sa naturang programa ng bagong management ng TAPE, Inc. na producer ng show. Bago rito, ang ipinalalabas sa oras ng programa ay replay nito kaya marami ang nag-speculate na wala na nga ang naturang noontime show.

Sa Youtube airing, lumabas nang live ang tatlo (TVJ) habang nasa background ang iba pang mga kasama sa show na sina Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros, Maine Mendoza, Ryzza Mae Dizon at Ryan Agoncillo.

Nagpasalamat si Vic sa Diyos, sumunod sa dating namumuno ng TAPE, Inc. na producer ng show na si Tony Tuviera at sa lahat ng mga manonood at tumangkilik sa show.

Ipinaalala ni Joey na noong July 29, 1979 nila sinimulan ang programa kaya’t 44 taon na sana sila ngayongtaong ito.

Nilinaw ni Tito Sen na nagpapaalam sila sa TAPE, Inc. na producer ng show, pero hindi sa ‘Eat Bulaga.’ Dagdag pa niya, kung saan man sila dalhin ng kapalaran, patuloy silang maghahatid ng saya mula Aparri hanggang Jolo.

Nagyakapan ang lahat matapos ang pamamaalam.

May mga usap-usapang lilipat ang ‘Eat Bulaga’ sa TV5 ngayong buwan ng Hunyo.

AUTHOR PROFILE