Default Thumbnail

Turuan ang mga Kamote Riders

September 21, 2022 Allan L. Encarnacion 409 views

Allan EncarnacionITULOY na ang barangay at SK elections!

May mga kapitan na naging kupitan na, may mga SK na matanda pa sa kanilang lolo’t lola dahil sa paulit-ulit na pagkansela sa eleksiyon. Mga kabataang gurang!

Tigilan na dapat ng mga pulitiko ang paglalaro sa mandato ng mga barangay officials. Kapag itinakda ng batas ang eleksiyon, dapat isagawa ayon sa petsa, bawal ang kapritso!

Iyong kababuyan at kawalang kaayusan sa maraming barangay ay dahil yan sa kapabayaan ng mga nakaupong opisyal kaya parang awa nyo na, palayasin nyo na sila sa posisyon!

May mga SK naman na mas magulang pa sa pandurugas sa matandang pulitiko dahil iyon na ang kanilang masteral sa paglilingkod.

Kailangan na nating sipain ang mga bugok sa barangay pero bigyan ng bagong mandato ang mga matitino.

***

Sobrang dami ng mga naaksidenteng motor, lalo na dito sa Metro Manila.

Ang problema kasi sa ibang riders, inaasa nila sa kung kani-kanino ang kanilang buhay.

Sa madalas na pagkakataon, bigla na lang silang lalabas sa mga blind corner na kalsada at walang pakialam sa dumarating na sasakyan.

Kung minsan naman, habang magkasabay na matulin tumatakbo ang dalawang malaking sasakyan, bigla silang susulpot sa pagitan. Sa halip na isiping baka maipit sila, hahayaan ang mga driver ng malalaking sasakyan ang umiwas sa kanya kahit siya ang wala sa lugar.

Para bang obligasyon mo silang buhayin, katungkulan mo silang iligtas sa panganib ng bundol kung ikaw ang nagmamaneho.

Hindi lang car driver, jeepney driver at truck driver ang may obligasyon sa ligtas na pagmamaneho, kayo ring mga riders!

Nanawagan tayo sa mga kaibigan natin sa 1Rider partylist na sina Congressman Bosita at Congressman Rodge Gutierrez na gumawa rin ng mga batas para pagtatakda ng training sa mga gustong magmotor sa kalsada.

Mahirap din kasi iyong Kamote Rider na bigla na lang nagkamotor at sasabak agad sa ating mga kalye kaya ang ending ay naaksidente.

Totoo rin na may mga hindi naiiwasang aksidente pero mas okey sana kung hindi barubal ang ibang riders. Lalo na iyong mga food delivery, dapat ay may mga formal training sila bago maging official riders para hindi tayo nakakakita maya’t maya ng mga nabubundol sa kalye.

Pati pala iyong mga maiingay na motor ay dapat na ring totoong mabura sa kalye. Maraming mga walang modo na kahit madaling araw ay paiingayin ang kanilang mga tambutso.

Sobrang mga hambog na alam mong walang pinag-aralan ang gumagawa ng ganitong ingay sa kahimbingan ng pagtulog ng komunidad.

Umaasa tayong gagawa ng aksiyon ang 1Rider congressmen sa mga isyung ito.

[email protected]