Turismo humiling ng ayuda sa pagtaas ng presyo ng langis
HINIHILING ng Turismo Isulong Mo sa nasyonal at mga lokal na pamahalaan na tulungan ang mga pamilya at mga manggagawa na maaapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petroloyo sa bansa.
Ayon kay Wanda Tulfo-Teo, 1st nominee ng Turismo, marapat lamang na tulungan ang ating mga kababayan.
Sinabi ni Teo na sukdulan na ang paghihirap ng maraming kasamahan sa sector ng turismo dahil halos hindi na abot-kaya ang mga presyo ng bilihin.
Sinusuportahan ng TURISMO ang panawagan ng publiko na suspendihin ang pagpapataw ng excise tax sa fuel products.
Aniya, lalu pang lumala ang sitwas para sa libu-libong mga Pilipino na napilitang lumikas dahil sa pag-aalburoto ng Bulkang Taal kamakailan.
Pahayag pa ni Teo, libu-libo na naman nating mga kababayan ang nawalan ng kabuhayan dahil sa pag-alburoto ng Bulkang Taal, kabilang na ang sektor ng turismo na mangangailangan ng ayuda.
Malaking bahagi ng industriya ng turismo ang tourism-related transportation sector na nagseserbisyo sa mga bisita mula sa ibang bansa at ibang lokalidad patungo sa tourist destinations.
Isinusulong naman ni Atty.Marco Bautista, 2nd nominee ng Turismo ang Instant ayuda” sa ilalim ng “Tourism Welfare Act” para sa displaced tourism workers at entrepreneurs.
“Karapat-dapat lamang na tulungan ang mga manggagawa at maliliit na mangangalakal sa industriya ng turismo dahil sa pagkawala ng kabuhayan sa panahon ng kalamidad dahil malaki ang naiaambag nila sa ekonomya ng bansa,” ani Bautista.
Hangad ng Turismo Partylist na isulong sa Kongreso ang kapakanan at interes ng tourism stakeholders, partikular na ang tourism workers, entrepreneurs, at mga komunidad sa mga tourist destinations sa buong bansa.