Default Thumbnail

Tupada talamak sa Ragay, Camarines Sur!

March 21, 2022 Marlon Purification 586 views

Marlon PurificationHINDI pa man nabibigyan ng solusyon ang pagkawala ng 31 sabungero ay tuloy naman ang illegal na tupada sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa pagkakataong ito, gusto nating tawagan ng pansin si Police Regional Office 5 director Gen. Jonel Estomo.

Masyado na kasing talamak ang tupada sa Ragay, Camarines Sur na kinukunsinti ng ilang opisyal ng lokal na pamahalaan at ilang tiwaling pulis ng naturang bayan.

Gusto na rin nating manawagan kina Mayor Tade Ramos at Ragay Police chief Maj. Ryan Rimando dahil pangalan nila ang nakataya rito kung bakit may nangyayaring ganitong illegal na pasugalan.

Hindi ko basta papaniwalaan ang dumating na report na kinukunsinti nina Mayor Ramos at Major Rimando ang naturang illegal na pasugalan dahil alam ko sa larangan ng ‘good governance’ o mabuting pamamahala, hindi nila kailanman o dapat na kunsintihin ang ganitong uri ng katarantaduhan.

Sinabi sa atin ng mapagkakatiwalaang source ay isang alyas Trouble at isang alyas Ato.

Ipinagmamalaki ng dalawa na mga bata raw sila ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Bicol. Katunayan, nagpapakilala pa itong si Trouble na kolektor daw ng CIDG.

Galit si CIDG chief Gen. Eliseo Cruz sa ganyan at alam ko, hindi rin papayag si Gen. Estomo na dahil lang sa isang illegal na tupadahan ay mayroong sisira sa kanyang pangalan.

Nabatid na ang tupada sa Ragay ay araw-araw daw ginagawa. Ang masaklap, kahit gun ban, itong sina Trouble at Ato ay palagi pang may nakasukbit na baril.

Ang Camarines Sur ay balwarte ni Cong. Nonoy Andaya na supporter naman ni Leni Robredo ngayon.

Sana po, mga bossing, ay maaksiyunan nyo agad ang mga reklamong ganito dahil hindi lamang pamilya ang sinisira ng tupada kundi pati mga menor de edad ay pinapayagan nilang manood at tumaya.

Noon pa ay mahigpit na ang utos ng Pangulong Duterte laban sa illegal gambling.

Kaya bago mabulilyaso ang puwesto nina Gen. Estomo at Major Rimando, umaasa tayong ipatitigil nila agad ang tupada sa Ragay.

‘Wag na sana nilang antayin na lumaki pa ang istoryang ito hanggang sa social media.