Dead

Tumatawid sinalpok ng motorsiklo, dedo

February 23, 2024 Melnie Ragasa-limena 80 views

TODAS ang hindi pa nakikilalang lalaki nang masalpok ng motorsiklo habang tumatawid sa Mindanao Avenue Extension sa Brgy. Greater Lagro, Quezon City noong Huwebes.

Nasa kustodiya na ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 2 ang suspek na si Rex Rivera Mary, 40, government employee, at residente ng Camarin, Caloocan City.

Nangyari ang insidente bandang alas-6:30 ng gabi sa harap ng JJ Grande Store Landscaping contractor sa Brgy. Greater Lagro, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni PMSg Eranio Caguioa, sakay ng Yamaha MT-07 (130 QSO) si Mary ng biglang tumawid ang biktima at nasalpok niya.

Naisugod pa ang biktima sa Commonwealth Hospital pero idineklarang patay na bandang alas-9:32 ng gabi ni Dr. Erwin Remoquillo.

Inihahanda na ang kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide laban sa rider.