Tumakas na truck driver tiklo matapos makasagasa ng bike rider

December 7, 2022 Edd Reyes 124 views

PINAGHAHANAP ng kapulisan ang driver ng trailer truck na tumakas makaraang masagasaan ang 27-anyos na binata na sakay ng kanyang bisikleta Martes ng bago mananghali sa Navotas City.

Sa bayan na ng Taytay sa lalawigan ng Rizal nadakip ng Navotas Police ang suspek, residente ng Imus, Cavite, makaraang takasan ang nasagasaan niyang binatang biktima, residente ng Barangay Canumay West, Valenzuela City na nasawi habang isinusugod sa Tondo Medical Center.

Lumabas sa imbestigasyon nina P/SSgt. Reysie Peñaranda at P/Cpl. Billy Godfrey Aparicio ng Navotas Traffic Police na tinatahak ng isang testigo ang kahabaan ng C3 Road, sakay ng motorsiklo patungong Road 10 bago mag alas-12 ng tanghali, nang marinig niya ang malakas na tunog sa ilalim na kaagapay na trailer truck sa may C3-Sawata Road, Bgy. NBBS.

Mabilis na tumakas ang trailer truck pakaliwa sa Road 10 patungo sa lugar ng Maynila at dito na nakita ng testigo ang nadurog na bisikleta at nakahandusay na duguang biktima kaya’t humingi siya ng tulong upang madala sa pinakamalapit na pagamutan ang lalaki.

Sa tulong ng mga nakakabit na CCTV (closed-circuit television) camera sa lugar, nakilala at naituro ng testigo ang nakasagasang Fuso tractor kaya’t noon din ay nagsagawa ng follow-up operation ang kapulisan na nagresulta sa pagkakadakip sa tsuper dakong alas-7:14 na ng gabi ng Martes.

Inihahanda na ng pulisya ang kaukulang kasong isasampa laban sa suspek sa piskalya ng Navotas.

AUTHOR PROFILE